GF ni Derrick na si Elle Villanueva nahulog sa Swiss Alps: She almost died

Elle Villanueva at Derrick Monasterio
NALAGAY pala sa panganib ang buhay ng Kapuso actress na si Elle Villanueva nang magbakasyon sila ng kanyang boyfriend na si Derrick Monasterio sa Europe.
Ikinuwento mismo ni Derrick ang tungkol sa nangyari kay Ellie sa ilang miyembro ng entertainment media sa naganap na presscon kahapon, March 19, para sa latest series niya sa GMA 7, ang “SLAY.”
Naganap ang aksidenteng kinasangkutan ni Elle habang nasa Alps sila sa Switzerland, “She almost died. Nasa Alps kami tapos nadulas siya, dire-diretso lang siya pababa.
“Sobrang taas, two-storey high slope without seeing the end kasi sobrang foggy. Nagpapa-picture ako sa kanya tapos bigla siyang nadulas sa slope.
“So, nahulog siya dire-diretso. Para siyang gumugulung-gulong. Para siyang nag-snowball, lahat ng gamit niya kumalat na du’n,” pagbabahagi ng hunk actor.
Patuloy pa niya, “Tapos du’n sa pinakadulo, may 10-feet drop. So, may hulog pa. Buti na lang may isa pang flat na road na nandu’n siya nahulog. And buti na lang walang nangyari, na hindi siya na-injure.”
Talagang ipinagpapasalamat daw nila sa Diyos na walang tinamong malalang pinsala sa katawan si Elle at hindi na nito kailangangang isugod sa ospital.
View this post on Instagram
Dagdag pa ni Derrick, “After nu’n, sinundan ko siya na parang natawa siya. So, natawa na rin lang ako na parang hindi namin na-process masyado kung ano yung nangyari.
“Pagdating namin ng van, du’n ako naging emotional na parang, ‘Anong nangyari?’” aniya pa.
Hindi raw nila agad ikinuwento sa nanay ni Elle ang nangyari, “Pagbalik namin, ngiti-ngiti pa kami, nag-picture-picture kay mom niya. Nu’ng nalaman na, parang hindi siya nakapagsalita buong gabi. Nasira yung mood niya, ganu’n.”
Sa tanong kung ano’ng natutunan niya sa near-death experience ni Elle, “Siguro, masyado kasi kaming dalawa na sobrang fast-paced. Anong next? Anong oras natin ito gagawin? Anong schedule natin?’ Masyadong excited.
“Siguro ito, parang hinay-hinay lang, importante yung buhay niyo. Parang ganu’n siguro yung message na sinabi sa amin,” saad ng aktor.
Dagdag ni Derrick, “Yung moment na yun, that made me so vulnerable na parang mawawala sa akin yung taong pinakamamahal ko, ganu’n.
“Buti na lang, safe kami. Pero yung moment na yun talaga nagpa-realize sa akin na life is short na huwag mo hayaang…i-take for granted yung buhay.
“And sobrang grabe yung pasasalamat ko na walang nangyari sa amin. And mapapanood yun sa vlog niya. Nag-promote pala ng vlog, ‘no! Nakunan niya ng video yung action, e,” chika ng hunk actor.
Samantala, mapapanood na ng Kapuso viewers simula sa March 24, Lunes, ang “SLAY” after ng “Mga Batang Riles” na siyang papalit sa magtatapos nang “My Ilonggo Girl” nina Jillian Ward at Michael Sager.
Makakasama rin sa serye sina Julie Anne San Jose, Gabbi Garcia, Mikee Quintos, at Ysabel Ortega. Ka-join din dito sina Nikki Co, Jay Ortega, Royce Cabrera, at Gil Cuerva.
Sexy at daring ang role ni Derrick sa “SLAY” kung saan palagi siyang naka-topless sa halos lahat ng eksena. Ipinaliwanag din sa kanya ng management kung bakit siya ang napiling lead actor sa programa.
“Actually sinabi nila sa akin bakit ako, kasi ako daw yung parang physically bagay sa role. Kasi gym instructor, tapos parang taong-gym ganun.
“Tapos siguro nakita nila yung mga nakakilala sa akin na ‘medyo may ego ang taong ito, sige pasok na natin dito,’ ganu’n. So, parang minatch talaga nila sa akin,” aniya pa.
Todo rin ang pasasalamat niya sa Sparkle at sa GMA Network dahil mula noon hanggang ngayon ay hindi siya pinababayaan ng management.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.