Bong sinigurong tuloy pa rin ang pelikula nila nina Coco, Lito at Robin

Bong Revilla, Lito Lapid, Robin Padilla, Coco Martin at Jillian Ward
TULOY na tuloy pa rin ang pelikulang pagsasama-samahan ng mga pambatong action stars ng Pilipinas, sa pangunguna ni Sen. Bong Revilla.
Ito ang kinumpirma ng tinaguriang Titanic Action Star sa muli niyang pakikipagchikahan sa mga miyembro ng entertainment media kamakalawa, March 1.
Ang tinutukoy naming pelikula ay ang mala-Hollywood movie na “Expendables” na pinagbidahan nina Arnold Schwarzenegger, Sylvester Stalone, Jason Statham, Jet Li, Bruce Willis at marami pang iba.
Ganitong klase ng pelikula ang nais gawin ni Sen. Bong kung saan makakasama niya sina Sen. Robin Padilla, Sen. Lito Lapid at ang Teleserye King na si Coco Martin.
Sa muling pagharap ng husband ni Lani Mercado sa media, natanong nga kung matutuloy pa ba ang kanilang dream project dahil matagal-tagal na rin nila itong napag-usapan.
Ayon kay Sen. Bong, matutuloy pa rin daw ang naturang pelikula at talagang gagawin daw nila ang lahat para mapanood ng sambayanang Filipino ang proyektong ito na magsisilbing regalo nila sa lahat ng kanilang mga tagasuporta.
Hindi nga lang masabi pa ng veteran actor kung kailan nila ito sisimulang gawin at kung isasalu nila sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa tanong naman kung totoo ba ang chika na ayaw siyang idirek ni Coco dahil nai-starstruck daw ito sa kanya at sa iba pang beteranong action stars.
“Ay, hindi naman totoo ‘yun. Tsaka hindi naman siya ang magdidirek nu’n, eh. Si Coco, mabait na bata, mabait. Alam ko malaki ang naitutulong niya sa mga kasamahan natin sa industriya,” papuri pa niya kay Coco.
In fairness, hindi nakakalimutan ni Sen. Bong ang kanyang mga kaibigan sa entertainment press kaya naman talagang hinahanapan niya ng panahon ang pakikipag-bonding niya sa media.
“Sa dami ng pinagdaanan ko sa buhay, kumbaga, eto ngayon tayo, nahaharap na naman tayo sa panibagong pagsubok, pagtakbong muli para sa ating mga kababayan bilang senador,” aniya.
Sa 52 years ni Sen. Bong sa showbiz at 30 years naman sa public service ay marami naman talaga siyang naiambag at naitulong hindi lang sa bansa kundi maging sa movie industry na naging tahanan niya sa loob ng ilang dekada.
Si Sen. Bong ang nag-file ng Eddie Garcia Bill na ngayon ay ipinatutupad na sa industriya. Siya rin ang author ng amusement tax reduction sa mga pelikula na from 30% ay naging 20% na lang ito.
Pero alam ng aktor na na may mga producers na nagre-react sa Eddie Garcia Law at nagsabing sila ang naaapektuhan sa nasabing batas.
“I think, we have to revisit the law again at tingnan natin. We should have a dialogue again with the producers and the actors. Dahil ang nangyayari, ‘yung mga seniors, ‘yung iba, hindi na talaga kinukuha ng producers.
“’Yung mga bata, nawawala na rin. Wala na ring nakikitang mga bata ngayon sa telebisyon. Kung meron man, magsu-shoot sila for 2 or 4 hours and then they pack up.
“Pagka ganun, wala na tayong sisikat na bata. Wala nang Niño Muhlach. ‘Yung ganu’n. Paano tayo makakapag-develop ng mga batang Niño Muhlach ulit kung ganu’n ang working hours?
“I think, we have to revisit again the law, pag-aralang mabuti,” ani Sen. Bong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.