K Brosas niregaluhan ni Lord matapos dumaan sa matitinding pagsubok

K Brosas, Randy Santiago at ang mga judge ng ‘Sing-Galing!’
INUULAN ng blessings ngayon ang singer-TV host na si K Brosas matapos dumaan sa ilang pagsubok sa kanyang personal na buhay.
Tatlong good news ang ibinahagi ng komedyana nang humarap siya sa entertainment media kahapon, February 17, para sa pagbabalik ng programa niya sa TV5, ang videoke game show na “Sing Galing!”
Kuwento ni K, bukod sa pagiging bahagi ng bagong edisyon ng “Sing Galing!”, nanalo rin siya sa kasong isinampa niya laban sa dating contractor ng kanyang ipinatayong bahay. At ikatlo ay ang natanggap niyang best actress award.
Napakanta pa nga si K Brosas ng “Ako ang Nagwagi” nang kumustahin ang pagkapanalo niya sa demandang inihain niya laban sa contractor na tumangay sa halos P7 million dahil hindi nito tinapos ang ipinagagawang bahay noong 2021.
“Naniniwala ako talaga minsan tine-test ka ni Lord. Kapag sobrang dami ng pagsubok na ibinibigay sa yo, tulad ng nangyari sa akin.
“Hindi naman biro yung ilang taon saka ilang milyon. Pinagtrabahuan ko yon. During that time, tumatakbo ako sa Sing Galing! habang tumatakbo rin yung kaso ko.
View this post on Instagram
“So, sabi ni Lord, ‘Sige na. Hindi na kita bibigyan ng stress. Ito na ang panahon mo para magwagi.’ So, babalik ako sa Sing Galing!, blessings na yon.
“Kapapanalo ko sa kaso, ‘Bibigyan kita ng award.’ Kaya naman thank you, Lord, talaga. Yun lang ang masasabi ko, thank you!” pahayag pa ng singer.
Ang award na tinutukoy ni K ay ang TV Actress of the Year sa 10th Platinum Stallion Media Awards ng Trinity University of Asia, para sa natatangi niyang pagganap sa drama series ng TV5 na “Ang Himala ni Niño.”
Sey ni K, “Akala ko prank. Hanggang ngayon, akala ko prank. Mamaya ko po siya tatanggapin, kung ayaw ninyong maniwala. Gusto kong magpasalamat sa Trinity University of Asia.
“Akala ko talaga prank, walang etchos. Biro mo, TV Actress of the Year? Gusto kong magpasalamat sa Ang Himala ni Niño dahil malaking bagay.
“Gusto ko sanang kuwestyunin, yung parang, ‘Bakit ako ang napili? Bakit ako ang ibinoto nila?’ Pero hindi ko na kukuwestyunin. Tatanggapin ko na lang yung blessing.
“Sasabihin ko na lang po na ‘I think I did something good’ para mapansin nila. At siguro, tao rin, gusto nila family-oriented na teleserye.
“Siguro gusto nila medyo light, dramedy for a change. Maraming salamat sa lahat ng bumubuo ng Platinum Stallion Media Awards,” chika pa niya.
Samantala, super thankful si K sa TV5 dahil siya pa rin ang kinuhang host ng “Sing Galing!” kasama si Randy Santiago. Mapapanood na ang third season ng top-rating program ng Kapatid Network simula sa March 1, 2025.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.