QC nagdeklara ng ‘dengue outbreak’: ‘Mga bata ang karamihang biktima!’

INQUIRER file photo
MAY dengue outbreak na sa Quezon City!
‘Yan ang idineklara mismo ng lokal na pamahalaan dahil sa mabilis na pagtaas ng mga kaso sa lugar.
“Our declaration of a dengue outbreak ensures that we are on top of the situation, and we are doing everything we can to protect our residents from this deadly disease, especially our children,” sey ni QC Mayor Joy Belmonte sa ulat ng INQUIRER kamakailan lang.
Base sa data ng City Epidemiology and Surveillance Division ng Quezon City Health Department, umaabot sa 1,769 dengue cases ang naitala mula January 1 hanggang February 14.
Ito ay mas mataas ng 200 percent mula sa na-record noong nakaraang taon.
Baka Bet Mo: Dianne Medina, Rodjun Cruz super happy, nakauwi na ang anak matapos tamaan ng dengue
Sinabi rin ng city government na walo sa sampung residente na namamatay dahil sa nasabing sakit ay puro menor de edad.
“58 percent of the reported cases involve school-aged children (5 to 17 years old), while 44 percent are children ages 1 to 10,” ayon sa LGU.
Saad ni Mayor Joy, “Mga bata ang karamihan sa mga nagiging biktima ng nakamamatay na sakit na ito.”
“Kaya nananawagan ako sa mga kapwa ko magulang na sama-sama nating protektahan ang ating mga anak laban sa dengue,” aniya pa.
Dahil diyan, hinihikayat ng alkalde ang mga magulang na maki-join sa mga clean-up drive at bantayan ang kalusugan ng kanilang mga anak.
Nabanggit din ng lokal na pamahalaan na bubuksan nila ang 66 Health Centers tuwing weekends, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. bilang pangunahing solusyon upang matugunan agad ang late diagnosis ng dengue.
Bukod diyan, magkakaroon din ng tinatawag na “fever express lane” para sa mga possible dengue patients, lalo na’t lagnat ang isa sa mga sintomas ng nasabing sakit.
Libre rin daw ang test kits para sa dengue na makukuha sa health centers at mga ospital.
“QCitizens, kung may nararamdaman na kayong sintomas ng dengue tulad ng lagnat, sakit ng ulo, at pananakit ng kasu-kasuan, pumunta na kayo agad sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar,” sey ng alkalde.
Narito ang ilang paalala ng QC government para maiwasan ang pagkakaroon ng maraming lamok sa tahanan at kapaligiran na nagiging sanhi ng sakit na dengue:
– Gumamit ng insect repellant
– Magsuot ng protective clothing – long sleeves at long pants
– Panatilihing malinis ang labas at loob ng inyong mga tahanan.
– Sirain ang mga maaaring pamahayan ng dengue at iwasan ang pag-imbak ng tubig.
– Linisin o itapon ang mga gamit na maaaring mapuno ng tubig at pamugaran ng lamok katulad ng containers, gulong, paso
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.