QC nagdeklara ng ‘pertussis’ outbreak, dumami na ang nahawa sa Pasig
IDINEKLARA na sa Quezon City ang pertussis o whooping cough outbreak!
Ayon sa anunsyo ni Mayor Joy Belmonte sa isang Facebook post noong March 21, ang lungsod ay mayroon nang 23 cases mula nang mag-umpisa ang taong ito, January 1 hanggang March 20.
Sa mga naitala, apat na sanggol na ang namatay dahil sa nasabing sakit.
“Mataas ito kumpara sa kaso noong 2023 sa kaparehong buwan na walang naitalang kaso,” sey sa FB post ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD).
Paliwanag pa, “Ayon sa Center for Disease Control and Prevention (CDC), ang pertussis ay isang nakahahawang sakit sa baga na dulot ng bacteria na Bordetella pertussis. Lahat ng indibidwal anuman ang edad ay maaring magkaroon nito ngunit pinakaapektado ay mga bata 5 taong gulang pababa lalo na ang mga walang bakuna at mahinang resistensya.”
Baka Bet Mo: Panahon ng ‘tag-init’…opisyal nang idineklara ng PAGASA
“Ang isang taong may whooping cough ay maaring makahawa ng sakit na ito sa iba, lalo na sa mga walang sapat na resistensya at bakuna laban sa pertussis sa pamamagitan ng respiratory droplets,” patuloy pa sa post.
Ani pa, “Kapag ang isang taong may whooping cough ay bumahing o umubo, maaari nilang ilabas ang maliit na bacteria na ito at maipasa sa iba.”
Bukod sa QC, tumataas na rin ang mga kaso ng nasabing sakit sa Pasig City.
As of March 22, mayroon nang 17 kumpirmadong kaso ng whooping cough sa lugar.
Kabilang na riyan ang dalawang sanggol na namatay – isang 1-month-old na lalaki at isang 2-months-old na babae.
Maliban pa riyan, mayroon pang walong “probable cases” na naghihintay pa sa kanilang test confirmation.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na may sapat silang bakuna at post-exposure prophylaxis upang labanan ang paglaganap ng nasabing outbreak.
Baka Bet Mo: Sen. Bong thankful kay PBBM ngayong batas na ang ‘Anti-No Permit, No Exam’
Ang pertussis o whooping cough ay pwedeng makahawa sa pamamagitan ng “respiratory droplets” o “airborne droplets,” gayundin ang exposure sa mga infected o kontaminadong utensils, damit, furniture, at marami pang iba.
Ilan sa mga sintomas nito ay patuloy na pag-ubo na maaaring tumagal ng dalawang linggo o higit pa, runny nose o sipon, at mild fever o lagnat.
Babala ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante, pwedeng lumala ang pertussis sa pneumonia, respiratory failure, encephalopathy or disturbances in the brain’s functioning, at kombulsyon sa mga sanggol.
“We are not panicking, but it’s something that we need to monitor. Pertussis should not be taken lightly, especially among children and infants because it could lead to complications and even death,” sey ni Solante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.