Pepe Herrera mas nahirapang maging ‘Satanas’ kesa gumanap na ‘Lods’
PAGKATAPOS gumanap bilang si Lods o Jesus Christ sa blockbuster movie nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa “Rewind” noong 2023, demonyo naman ang ganap ni Pepe Herrera sa bago niyang pelikula.
Pepe will play the role of Satanas sa unang pasabog na offering ng Viva Films ngayong 2025, ang “Sampung Utos Kay Josh” kung saan makakasama niyang muli ang kaibigang si Jerald Napoles.
Inamin ni Pepe sa naganap na presscon ng “Sampung Utos Kay Josh” na challenging talaga ang gumanap na demonyo sa isang pelikula, lalo pa’t hindi raw ito nagustuhan ng kanyang tatay.
Wala naman daw silang intensiyon na maka-hurt ng tao sa ginawa nilang pelikula na idinirek ni Marius Talampas, “Yung role ko, yun ang maaaring maka-offend. I think, yung fear, wala naman kasi wala naman kaming intensiyong maka-offend.
Baka Bet Mo: Jerald, Kim magpapakasal na ngayong 2025, tuloy ang ipon: Sana ma-push!
“Pero kung merong ma-offend, which is a possibility, e, di magso-sorry tayo, and then we will explain na the intention is not to offend. The intention is to entertain and impart lessons,” paliwanag ng komedyante.
“Actually, to be completely honest, ngayon pa lang, hindi pa ipinapalabas yung trailer, ipinakita ko pa lang sa tatay ko, yung tatay ko na-offend.
View this post on Instagram
“Sabi niya, ‘Ano ba yan anak, ipinu-promote mo si Satanas? Bakit ka naman tumanggap ng ganyang role? Nag-Lods ka na.’
“Kahit na gaanong paliwanag namin ng kapatid ko, ‘Hindi, Tay, comedy lang yon. Si Marius ang gumawa, hindi ba kaibigan yon ni Pepe, matagal na?’
“We’re trying to comfort him and assure him. Pero sabi niya, ‘Hindi, anak…” talagang kontra siya. Alam mo yung malumanay pero alam mong troubled siya.
“Sarado-Katoliko kasi siya. Saka siyempre mahal niya ako pero hindi niya talaga panonoorin,” dagdag pa ng komedyante.
Sa tanong kung saan siya mas nahirapan o na-challenge, sa paggabap bilang Lods o bilang si Satanas, “Mahirap magkumpara. Sa physicality, mas mahirap ho yung demonyo kasi naapektuhan ang tatay ko.
“Proud na siya, e. Proud na siya sa Lods. Talagang kapag may nagpapa-picture sa akin, hihirit pa siya ng ‘Siya yung gumanap na Lods sa Rewind.’ Gumaganu’n siya tapos mahihiya ako… ‘Tay!’” sey pa ni Pepe.
Iikot ang kuwento ng “Sampung Utos Kay Josh” sa buhay ni kay Josh (Jerald), isang loan executive na pinalaki ng kanyang ina na mabait, conservative, at relihiyoso. Sa katunayan, palagi niyang sinusunod ang Sampung Utos ng Diyos.
Laging handang tumulong si Josh sa iba dahil naniniwala siyang kapag ginawa niya ito, may matatanggap siyang gantimpala mula sa itaas.
At bakit hindi siya maniniwala? Bukod sa kanyang magandang buhay kasama ang ina, mayroon pa siyang magandang fiancée at promotion sa trabaho.
Ngunit, biglang darating ang sunod-sunod na kamalasan kay Josh: madadamay siya sa isang gulo tungkol sa pera na maglalagay sa panganib sa kanyang trabaho at relasyon. Lalong lalala ang lahat nang magkasakit ang kanyang ina dahil sa mga pangyayari.
Mapapaisip at mapapakuwestiyon si Josh sa lahat ng kanyang pinaniniwalaan, dahil pakiramdam niya ay pinaparusahan siya sa kabila ng lahat ng kabutihan na kanyang ginawa.
Kaya naman para makabawi at makaganti sa langit, magpapasya siyang labagin isa-isa ang Sampung Utos.
Magkaroon kaya ng magandang resulta ang pagrebelde ni Josh, o ang paglabag sa mga utos ang tuluyang magpapabagsak sa kanya?
Mula sa direksyon ni Marius Talampas, ang pelikula ay hinihikayat ang mga manonood na harapin ang kanilang mga pagdududa at paniniwala.
“Sampung Utos Kay Josh is not merely a film—it is a visceral, cathartic experience that delves into the heart of what it means to be human, challenging us to confront our deepest fears and emerge, perhaps, stronger for the journey,” sabi ng direktor na naghatid sa atin ng 2018 comedy-heist film na “Ang Pangarap Kong Holdap.”
Kasama rin sa supporting cast ng “Sampung Utos Kay Josh” ang ilan sa mga nakakatawa at magagaling na mga aktor: sina Albie Casiño, Bobot Mortiz, Irma Adlawan, Ashley Rivera, Debbie Garcia, James Caraan at Donna Cariaga na may mahahalagang papel sa paglalakbay ni Josh.
Abangan ang isang abot sa langit na katatawanan sa “Sampung Utos Kay Josh”, na snowing na sa mga sinehan sa buong bansa simula sa January 29, 2025.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.