Jerald, Kim magpapakasal na ngayong 2025, tuloy ang ipon: Sana ma-push!
NGAYONG 2025 balak magpakasal ng celebrity couple na sina Jerald Napoles at Kim Molina matapos ibandera ang kanilang engagement noong August, 2024.
Masayang ibinalita ni Jerald sa ilang members ng entertainment media kahapon, January 14, ang tungkol sa wedding plans nila ng kanyang long-time life partner.
Humarap ang aktor kasama ang kapwa singer-comedian na si Pepe Herrera sa press sa naganap na mediacon ng latest movie nilang “Sampung Utos Kay Josh”, ang unang pasabog ng Viva Films ngayong 2025.
At dito nga niya naibahagi ang plano nilang pagpapakasal ni Kim this year kaya naman ang hiling niya ay mabigyan pa sila ng kanyang fiancée ng mas marami pang projects para sa kanilang dream wedding.
“Yes, sana dumami pa (ang trabaho) kasi siyempre maraming gastos sa kasal tsaka yung sa iba pang personal na gastusin.
“So yun nga, lahat ng effort namin, especially this year ay papunta du’n sa savings para sa kasal,” ani Jerald.
Pagpapatuloy pa niya, “Pero du’n po sa tanong kung kailan, kung ngayong taon, sana…sana ma-push kahit sa last quarter ng 2025. Yun yung goal, pero tingnan natin.
“Meron na rin kaming wedding and events organizer na kausap, so, humihingi rin kami ng payo sa kanila kung ano yung mga suggestions nila, kung ano ba ang mas maganda, kung paano maiiba sa mga nahawakan na nilang weddings in the past, especially sa mga celebrities.
View this post on Instagram
“Pero kami naman ni Kim, nakabangko kami du’n sa idea na basta masaya, pati yung lahat ng mga taong kasama namin,” pahayag pa ng aktor at singer.
Abot-langit nga raw ang pasasalamat nila ni Kim sa Viva Entertainment lalo na sa pamilya ni Boss Vic del Rosario dahil talagang hindi sila nawawalan ng proyekto mula pa noong kasagsagan ng pandemya.
Samantala, nang makaranas ng sunud-sunod na kamalasan, isang masugid na tagasunod ng Sampung Utos ng Diyos ang magpapasya na hamunin ang langit.
Isang “sacred collaboration” ang hatid ng Viva Films, Anima, at Sine Arcade sa tinaguriang “holy comedy” film na “Sampung Utos Kay Josh” na pinagbibidahan ni Jerald Napoles ng hit Netflix movie na “Instant Daddy.”
Ang pelikula ay tungkol kay Josh (Jerald), isang loan executive na pinalaki ng kanyang ina na mabait, conservative, at relihiyoso. Sa katunayan, palagi niyang sinusunod ang Sampung Utos ng Diyos.
Laging handang tumulong si Josh sa iba dahil naniniwala siyang kapag ginawa niya ito, may matatanggap siyang gantimpala mula sa itaas.
At bakit hindi siya maniniwala? Bukod sa kanyang magandang buhay kasama ang ina, mayroon pa siyang magandang fiancée at promotion sa trabaho.
Ngunit, biglang darating ang sunod-sunod na kamalasan kay Josh: madadamay siya sa isang gulo tungkol sa pera na maglalagay sa panganib sa kanyang trabaho at relasyon. Lalong lalala ang lahat nang magkasakit ang kanyang ina dahil sa mga pangyayari.
Mapapaisip at mapapakuwestiyon si Josh sa lahat ng kanyang pinaniniwalaan, dahil pakiramdam niya ay pinaparusahan siya sa kabila ng lahat ng kabutihan na kanyang ginawa.
Kaya naman para makabawi at makaganti sa langit, magpapasya siyang labagin isa-isa ang Sampung Utos.
Magkaroon kaya ng magandang resulta ang pagrebelde ni Josh, o ang paglabag sa mga utos ang tuluyang magpapabagsak sa kanya?
Mula sa direksyon ni Marius Talampas, ang pelikula ay hinihikayat ang mga manonood na harapin ang kanilang mga pagdududa at paniniwala.
“Sampung Utos Kay Josh is not merely a film—it is a visceral, cathartic experience that delves into the heart of what it means to be human, challenging us to confront our deepest fears and emerge, perhaps, stronger for the journey,” sabi ng direktor na naghatid sa atin ng 2018 comedy-heist film na “Ang Pangarap Kong Holdap.”
Pakaabangan din ang “divine” character ni MMFF 2023 Best Supporting Actor Pepe Herrera na napanood bilang si “Lods” sa record-breaking film na “Rewind”. Magiging malaki ang kanyang papel sa nakakabaliw na journey ng character ni Josh.
Kasama rin sa supporting cast ng “Sampung Utos Kay Josh” ang ilan sa mga nakakatawa at magagaling na mga aktor: sina Albie Casiño, Bobot Mortiz, Irma Adlawan, Ashley Rivera, Debbie Garcia, James Caraan at Donna Cariaga na may mahahalagang papel sa paglalakbay ni Josh.
Abangan ang isang abot sa langit na katatawanan sa “Sampung Utos Kay Josh”, na snowing na sa mga sinehan sa buong bansa simula sa January 29, 2025.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.