Nanay ni Jerald Napoles kung anu-anong trabaho ang pinasok: ‘Naging manikurista, nagtinda sa Divisoria, nag-floor manager, nag-yaya’
KNOWS n’yo ba na napakarami ring ginawang sakripisyo ng nanay ni Jerald Napoles para lamang mabuhay sila nang maayos at mabigyan siya ng magandang kinabukasan?
Naikuwento ng aktor ang tungkol sa iba’t ibang trabahong pinasok ng kanyang ina na isang single parent noong bata pa siya, sa kanyang solo presscon para sa bago niyang pelikula sa Viva Films, ang “Instant Daddy”.
“Ang nanay ko po, walang regular na trabaho. Hindi ako naghahanap sa nanay ko ng ekstrang oras. Hindi ako naghahanap ng ekstrang pag-aaruga. Hindi ako naghahanap ng financial na suporta.
“Kung ano yung kaya niya, yun lang. Nakatulong yon sa akin. Minsan, wala siya. Naghahanap ng trabaho,” ang sagot ng aktor ng tanungin ng ating colleague at entertainment columnist na si Jojo Gabinete sa nasabing mediacon.
View this post on Instagram
Pagpapatuloy pa niya, “Lumaki ako sa lolo at lola ko. Nakatira po kami sa poder nila. During the trying times, nakita ko na naghahanap ang nanay ko. Nararamdaman mo pero hindi ipinapakita sa yo na naghahanap siya ng tulong at suporta na hindi naman niya masabi sa yo dahil 10 years old ka lang.
“Nagtrabaho siya bilang manikurista, nagtinda ng tela sa Divisoria, nag-floor manager, nagtinda ng unan sa Divisoria, nag-tutor siya sa kindergarten, nag-yaya sa bata, nag-tour guide. Yan ang mga naging trabaho ng nanay ko,” ang paglalahad ni Jerald.
Baka Bet Mo: Jerald sa pagpo-propose kay Kim: Madali lang namang magplano ng pagpapakasal, pero mahirap talagang panindigan
Ayon sa aktor, bata pa lang siya nang maghiwalay ang kanyang mga magulang kaya naman isang araw ay pinatawag ang nanay niya sa kanilang school dahil daw sa kanyang kadaldalan.
“Wala pa akong muwang, hindi na sila magkasama ng tatay ko. Ganoon na sila katagal hiwalay. Noong matuto akong magbasa at magsulat, nakita ng nanay ko na, ‘Ah, nakakaintindi na itong si Jerald.’
“Sinabi na niya sa akin na, ‘Hiwalay kami ng tatay mo pero huwag kang magtatanim ng galit sa tatay mo. Kung anuman yung relasyon namin, labas ka roon. Basta tatay mo siya.’
“Kaya nu’ng nag-kindergarten ako, ipinatawag yung nanay ko ng adviser ko kasi meron sa class na, ‘Talk about your parents. Talk about your family.’ Hindi ako na-orient. Ang alam ko lang, I have to be honest kasi I have to talk about my family.
“In front of the class, sinabi ko, ‘Ako po si Jerald Napoles. Ang nanay ko po ay si Tess at ang papa ko po ay si Nestor, hiwalay po sila! Ang papa ko po, may pamilyang sarili. Ako po ay lumaki sa nanay ko.’
“Ipinatawag ang nanay ko, nag-alala yung teacher ko. Sabi ng nanay ko, ‘Wala po akong alam na ibang sasabihin sa anak ko. Mas maganda na po yung malaman niya yung totoo kesa magpanggap ako na ang tatay niya ay somewhere.’
View this post on Instagram
“Nakatulong po yon sa akin para maintindihan ang sitwasyon ng nanay ko habang lumalaki ako,” paliwanag ni Jerald.
Naikuwento rin ng aktor na hindi na nagkaroon ng ibang karelasyon ang kanyang nanay, “Ooz hindi na. Pero naabutan ko yung mga boyfriend-boyfriend.
“There was a time, nagkaroon siya ng boyfriend. Ikinuwento ng nanay ko verbatim, I was twelve years old. Sabi niya sa akin, ‘There was a time na niyaya ako ng boyfriend ko to go away and leave you.’
Baka Bet Mo: Jerald pangarap bumida sa mala-‘Joker’ na pelikula; game pa bang tumodo sa mga love scene kasama si Kim sa Vivamax?
“Gagawa muna sila ng sariling buhay, babalikan na lang ako sa lolo at lola ko kapag okay na sila. Pinili ako ng mama ko kaya naghiwalay sila ng boyfriend niya.
“Hindi ko pinakialaman ang desisyon niya pero naintindihan ko na ginawa niya yon para sa akin at tumatak yon sa akin,” pagbabahagi pa ng partner ni Kim Molina.
Sey pa ni Jerald okay naman daw ang relasyon nila ng kanyang tatay ngayon.
“Walang pangit sa relasyon namin. Hindi lang po kami madalas magkaroon ng chance para magkita at magkasama kasi may sarili na siyang pamilya,” pag-amin pa ng aktor.
Samantala, showing na sa mga sinehan ngayong araw, October 11, ang “Instant Daddy” ni Jerald kasama sina Althea Ruedas, Ryza Cenon, Danita Paner at marami pang iba. Ito’y sa direksyon ni Crisanto Aquino mula sa Viva Films.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.