Vic sa ilang dekada sa showbiz: ‘Wag mang-apak ng iba, ‘wag kang maangas
IN FAIRNESS, mas madaldal at mas game makipagchikahan ngayon ang TV and movie icon na si Bossing Vic Sotto sa mga miyembro ng entertainment media.
E, kasi nga, sa mga past interview ng media kay Bossing ay medyo tipid-tipiran siyang sumagot sa mga tanong pero kahapon, sa isang event, ay game na game siya sa Q&A portion.
Humarap ang original “Eat Bulaga” Dabarkads sa members ng showbiz press para sa bago niyang endorsement, ang Santé Barley at dito nga niya sinagot ang ilang personal questions.
Hindi man napag-usapan nang todo ang tungkol sa 19 counts of cyberlibel na isinampa ni Vic laban kay Darryl Yap kaugnay ng pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” dahil sa gag order ng korte, naging malaman pa rin ang naging interview sa kanya.
Isa nga sa mga questions kay Bossing ay kung paano niya napapanatili hanggang hanggang ngayon ang kanyang “staying power” sa entertainment industry pati na ang “positive image” sa publiko.
View this post on Instagram
“Clean living lang. Huwag kang umapak ng ibang tao. Huwag kang mang-alila. Huwag kang maangas.
“Stay humble. Humility, for me, is a very important word. Huwag kang magyayabang. Relax ka lang sa buhay,” sagot ng komedyante.
Hangga’t maaari ay umiiwas na rin siya sa mga tao at bagay na makakapagpa-stress lang sa kanya. Pero may mga pagkakataon din daw na talagang makakaranas ka ng kanegahan.
“Basta trust in God. With God on your side, wala ang mga stress na ‘yan. Kayang-kaya. Hindi ko pinapansin ‘yan. Kung ano man ang pagsubok, basta you trust God, tanggal lahat,” ani Bossing.
“I’m very thankful na I have my family supporting me, my friends, friends from the business. I’m very thankful. Maraming salamat sa kanila, sa lahat ng tao.
“Hindi naman puwedeng hindi ka maapektuhan pero kumbaga ipagpasa-Diyos mo na lang at wala na ‘yun,” mariin pa niyang sabi.
Mas malakas na rin daw ngayon ang pananampalataya niya kay Lord, “Kung ano man ang estado ko ngayon, kung ano man ang narating ko, I always lift everything to God. Siya naman talaga ‘yung direktor natin. Siya ang lahat. Go with the flow.”
Samantala, abot-langit din ang pasasalamat niya sa lahat ng mga nanood at sumuporta sa Metro Manila Film Festival 2024 entry nila ni Piolo Pascual na “The Kingdom”.
“Ninanamnam ko pa ‘yung pagtanggap sa akin ng mga manonood ng pelikulang pilipino. Nu’ng una, parang kabado ako. Tatanggapin ba nila? Nakita ko ‘yung outcome. After viewing the film, sulit lahat ng pagod.
“I must admit sobrang pagod ‘yung paggawa namin ng pelikula. I was memorizing my lines. I was in front of the mirror. Tinitingnan ko ‘yung sarili ko na sarado ‘yung ingay.
“I have my best director Michael Tuviera at sa tulong din ng mga kasama ko sa pelikula. They serve as an inspiration for me. Nakita ko kung gaano kaseryoso si Piolo (Pascual), si Sid Lucero, si Cristine (Reyes), at si Sue Ramirez. They were giving it all. Kailangan ganu’n din ako.
“Matagal akong nagpahinga sa pelikula kasi nga hindi naman ako bumabata na. Nakaka-drain ng energy, emotionally, and physically ang paggawa ng pelikula. Ngayon, iba na ang style nang paggawa ng pelikula kung gusto nating itaas ang kalidad ng pelikulang pilipino.
“You have to be really professional about it like itong nakaraang pelikula ko. Hindi siya biro. After watching the finished product, I would say that I’m very proud of it and I’m very happy,” pahayag ni Bossing.
Pagpapatuloy pa niya, “Marami pa akong gustong gawin. I’m the type of person na there’s always room for improvement. For example na lang sa pelikula, I’ve tried doing a very serious role.
“Puwede pang sundan ng isa or maybe a serious role na may touch of comedy. I always tell myself that I have a lot to improve. I want to do more,” saad pa ng iconic comedian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.