Benhur Abalos todo suporta sa ‘anti-corruption campaign’ ni PBBM

Benhur Abalos todo suporta sa ‘anti-corruption campaign’ ni PBBM

Pauline del Rosario - December 08, 2024 - 12:26 PM

Benhur Abalos todo suporta sa ‘anti-corruption campaign’ ni PBBM

PHOTO: Facebook/Benhur Abalos

NANGAKO si Atty. Benhur Abalos Jr., kandidato sa pagkasenador sa ilalim ng Alyansa Para sa Pagbabago 2025, na palalakasin ang mga polisiya laban sa korapsyon upang suportahan ang kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa katiwalian.

Inilabas ni Abalos ang pahayag kasunod ng talumpati ni Pangulong Marcos sa 5th State Conference on the United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) Implementation and Review sa Malacañang.

“Sa Tama at Tapat na Pagkilos, walang corrupt,” sey ni Abalos, ang unang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Sa nasabing UNCAC conference, inulit ng presidente ang determinasyon ng kanyang administrasyon na labanan ang korapsyon, na inamin niyang pinahihirapan ng mga sistematikong kahinaan at pabago-bagong pampulitikang kalagayan.

“The war against corruption is far from over,” wika ni Marcos na muling tiniyak ang dedikasyon ng kanyang gobyerno na makipagtulungan sa United Nations (UN) at mga kasaping bansa upang itaguyod ang mga pandaigdigang pamantayan laban sa katiwalian.

Baka Bet Mo: Abalos naantig sa ‘Balota’, may panawagan para sa mga guro sa 2025 Elections

Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng reporma sa mga institusyon at mahusay na pamamahala upang malabanan ang negatibong epekto ng korapsyon sa tiwala ng publiko at paglago ng ekonomiya.

Sinabi naman ni Abalos na panahon na upang tutukan ang mga puwang sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas laban sa korapsyon at ang pangangailangan para sa mas mahigpit na mga regulasyon.

Kanyang binigyang-pansin ang mga pangunahing batas tulad ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019), Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Republic Act No. 6713), at ang Ombudsman Act of 1989 (Republic Act No. 6770). 

Isinusulong din ni Abalos ang pag-amyenda sa Local Government Code of 1991.

“Ang transparency sa government procurement ang isa sa pinakamabisang paraan upang sugpuin ang korapsyon,” ani Abalos. 

Binigyang-diin din niya ang kanyang naging track record bilang alkalde ng Mandaluyong kung saan kanyang pinangunahan ang pagpapadali ng proseso ng negosyo at paggamit ng teknolohiya upang mabawasan ang human intervention.

Noong 2010, kinilala ng International Finance Corporation (IFC) ang mga inisyatiba ni Abalos sa ilalim ng Regulatory Simplification Project na nagbigay ng magandang halimbawa sa iba pang lungsod sa bansa.

Bagamat umangat ang Pilipinas ng isang antas sa 2023 Corruption Perceptions Index, mula ika-116 noong 2022 patungong ika-115, sinabi ni Abalos na malayo pa ang kailangang tahakin upang tuluyang maging malaya ang bansa sa korapsyon.

“Bagamat maganda ang bahagyang pag-unlad na ito, malinaw na marami pa tayong dapat gawin,” saad ni Abalos.

Aniya, ang kanyang kampanya ay nakatuon sa prinsipyo ng “Tama at Tapat na Pagkilos” bilang pangako na itaguyod ang integridad sa serbisyo publiko, na kanyang pinairal sa mahigit tatlong dekada ng paglilingkod.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating mga batas laban sa korapsyon, pagtataguyod ng transparency, at pagpapalaganap ng ‘Tama at Tapat na Pagkilos’ sa bawat Pilipino, possible ang isang bansang malaya sa korapsyon,” pagtatapos ni Abalos.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending