‘Julian’ lumakas pa, Signal no. 1 itinaas sa ilang bahagi ng Luzon
MULA sa Tropical Depression, lalo pang lumakas ang binabantayang bagyo na nasa Luzon.
Ayon sa 11 a.m. weather update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw, September 28, ang sama ng panahon ay naging isang Tropical Storm na.
Huling namataan ang Bagyong Julian sa layong 465 kilometers silangan ng Aparri, Cagayan.
Ang lakas ng hangin nito ay nasa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Base sa forecast track nito, mabagal ang pagkilos nito papuntang Timog.
Nagbabala rin ang PAGASA na posible itong mag-landfall o tumama sa lupa sa Batanes o Babuyan Islands sa darating na Lunes, September 30.
Patuloy rin itong lalakas at inaasahang aabot sa Typhoon category sa mga susunod na araw.
Bukod diyan, itinaas na rin ng weather bureau ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lugar sa Luzon.
Kabilang na riyan ang Batanes, Cagayan including Babuyan Islands, northern at eastern portions ng Isabela (San Pablo, Divilacan, Maconacon, Palanan, Cabagan, Santa Maria, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Santo Tomas, Delfin Albano, Dinapigue), Apayao, at Ilocos Norte.
Dahil sa bagyo, asahang uulanin ang Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, pati na rin ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Apayao, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Batanes, at Isabela.
Mararanasan naman ang isolated rainshowers sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.