Sure na, Sam Verzosa tatakbong mayor ng Maynila, sino kaya ang vice?
CONFIRMED! Tatakbong mayor ng Maynila sa 2025 midterm elections si Tutok To Win Party-List Representative Sam Verzosa.
Nakachikahan namin ang kongresista at host ng public service programa na “Dear SV” na napapanood sa GMA 7 tuwing Sabado ng gabi, nitong nagdaang Linggo, September 22.
Nasaksihan namin ang ginawa niyang announcement sa pagtakbong alkalde ng Maynila next year sa naganap na charity event ng Team SV para sa mga residente ng Smokey Mountain sa Tondo, Manila.
Ayon sa public servant at boyfriend ng Kapuso actress na si Rhian Ramos, nagdesisyon siyang kumandidato bilang mayor dahil, “Yun na ang sigaw nila (mga Manileño) kahit saan ako magpunta.”
Kung sakali, makakalaban ni SV sa 2025 si former Manila City Mayor Isko Moreno at ang incumbent mayor na si Honey Lacuna.
Ayon kay Sam Verzosa, wala pa siyang planong tumakbo nang simulan niya ang paghahatid ng tulong sa mga taga-Maynila, “Wala naman pong pinipiling lugar ang pagtulong.
“At ngayon sa kakatulong, inuudyukan tayo na maging mayor ho ng Maynila at kung saan tayo dalhin ng Maykapal, kung ito ang laban na gustong ibigay sa atin ng Diyos, kung kailangan ko ilaban ang mga tao ng Maynila, yung mga anak ng Maynila, iaalay natin ang sarili natin at ang kapalaran natin.
View this post on Instagram
Sa tanong kung sino ang kanyang magiging running mate, “Wala akong vice mayor. Meron o wala ang kailangan ko ay ang tao. Ramdam ko ang sigaw nila. Hindi ko talaga iniisip yan. Marami ang lumapit pero wala akong vice. Pero tingnan natin.”
Isa sa mga pangako ni SV sa mga taga-Maynila ay ang pagtataas sa P2,000 monthly allowance mula sa P500 ng mga senior citizen, pati na rin ang mas masarap na ayuda.
“Lagi nilang sinasabi sardinas na naman. May kaliskis na kami. Sabi ko ibahin natin kasi galing din tayo sa wala. Alam ko ang pakiramdam ng wala at alam ko rin ang pakiramdaman ng nakakakuha ng masarap.
“So mula ngayon, yan ang magiging standard natin sa pagbigay ng tulong. Pero anuman ay pagkain pa rin yan. Gusto ko lang sabihin, kung kaya natin gawin sa sarili natin, pwede rin naman kahit saan,” sabi pa ni Sam.
Promise din niya sa mga senior na kokolekta ng kanilang monthly allowance, “Hindi na tayo pipila. Pinapipila pa kasi nila ang mga senior sa halagang P500. Papipilahin mo pa ba ang mga lolo at lola mo na 85 years old? 75 years old?”
Natanong din siya kung ano ang reaksyon niya na parang “David and Goliath” ang magiging eksena sa 2025 election kapag nakipaglaban siya kina Isko Moreno at Honey Lacuna.
“Buong buhay ko David tayo eh. Hanggang dito na lang daw ako sa Sampaloc. Walang asenso at hindi ka uunlad. Hindi raw lalaki ang kumpanya ko. Hindi raw ako makaka-graduate. Pero nagsikap ako.
“Lahat ng meron ako pinaghirapan ko bago pa ako napunta sa kongreso. Wala na po akong ibang pangarap kundi i-share ang blessing at pasayahin ang lahat ng Manilenyo. Ramdam ko sila,” pahayag pa ni Sam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.