'Batang Quiapo' babu na kaya sa 2025;MTRCB may bagong record

‘Batang Quiapo’ babu na kaya sa 2025; MTRCB nakapagtala ng bagong record

Reggee Bonoan - January 07, 2025 - 06:11 PM

'Batang Quiapo' babu na kaya sa 2025; MTRCB nakapagtala ng bagong record

ANG daming nawawalang major character sa “FPJ’s Batang Quiapo” kaya may mga nagtatanong kung malapit na rin bang mamaalam sa ere ang teleserye ni Coco Martin?

Kapansin-pansin ding ang bilis nawala ng guest stars tulad nina Barbie Imperial, Anjo Yllana, William Martinez at iba pa kung ikukumpara noon sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na inaabot noon ng mahigit isang taon.

May mga biruan nga noon na para maka-ipon at makapagpatayo ng paupahang bahay ay dapat mag-guest sa “Ang Probinsyano” dahil halos araw-araw noon ang tapings.

Going back to “Batang Quiapo” ay pasabog ang episode na napanood namin nitong Lunes, Enero 6 sabay sa pagdiriwang ng ika-100 na linggo at simula na rin sa pagdiriwang ng ikalawang anibersaryo ng Kapamilya teleserye ay nagkaroon na ng bakbakan sa pagitan ng trop ani Tanggol at sa grupo ni Irma.

Pinuntahan ni Irma sina Cherry Pie Picache as Marites at Charo Santos-Concio sa karakter na Tindeng sa hospital at doon na magkakaalaman kung sino at ano ang tunay na pagkatao ng una.

Baka Bet Mo: Coco nag-explain sa sunud-sunod na kamatayan sa ‘Batang Quiapo’

May eksenang babarilin ni Olga si Tanggol at ipinakitang sumisigaw si Marites ng, “Anak ko ‘yan!” na ganito rin ang eksena noong planong itakas ng una na noo’y sanggol palang si Coco at si Miles Ocampo pa ang gumanap na batang Marites.

* * *

Ipinagmamalaki ng MTRCB na nakapagtala sila ng panibagong record matapos makapag-ribyu ng mahigit 267,000 na materyal sa loob ng 2024.

Sa layuning mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang lahat ng palabas, nakapag-rebyu ng mahigit 267,000 na materyal ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ngayong 2024.

Mas mataas ito kumpara sa 255,220 noong 2023 at 230,280 noong 2022. Kabilang dito ang 264,424 na mga materyal para sa telebisyon, 592 pelikula, 549 movie trailers at 1,525 publicity at optical media na isinabmit ng mga producer at istasyon para mabigyan ng angkop na klasipikasyon.

Sa halos 600 na pelikula, 30 dito ay rated G (angkop para sa lahat ng manonood), 298 rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang), 251 ang R-rated, habang 13 ang na-X o hindi pinayagang maipalabas sa mga sinehan.

Bagamat limitado lamang ang kakayahan at kagamitan ng Ahensya, ang bilang ng mga narebyu ng Board ngayong taon ay sumasalamin sa dedikasyon na matiyak na mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang lahat ng materyal sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng industriya ng paglikha dahil sa teknolohiya.

Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, ang lahat ng isinabmit sa Board ay nabigyan ng “age-appropriate ratings” habang balanseng tinitiyak na may malayang pagpapahayag at pagprotekta sa manonood.

“Ang malaking bilang ng mga narebyu ngayong 2024 ay sumasalamin sa aming mandato at responsibilidad na masabayan ang lumalagong industriya ng pelikula at telebisyon at matiyak na nakalinya ang mga palabas sa umiiral na batas at pamantayan,” say ni chair Lala.

Nagpasalamat din si Sotto-Antonio sa 30 Board Members para sa kanilang hindi matatawarang trabaho at pagiging propesyunal upang bigyan ng angkop na klasipikasyon at masiguro na ligtas ang mga materyal bago ito mapasapubliko.

“Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng Board Members para sa kanilang pagmamahal sa trabaho at sipag—umulan man o umaraw, holiday man o kahit walang pasok sa opisina—para maserbisyuhan ang ating mga stakeholders at ang pamilyang Pilipino,” sabi pa.

Pinapurihan niya ang 31 Board Members na sina: • Abugado: Vice Chairperson Paulino Cases, Jr., Gaby Concepcion, Cesar Pareja, Ricardo Salomon, Jr. at Frances Hellene Abella • Retiradong Guro: Maria Carmen Musngi • Producers sa Pelikula at Telebisyon: Josefina Annabel “JoAnn” Bañaga, Wilma Galvante, Eloisa Matias, at Jerry Talavera • Direktor sa Pelikula at TV: Antonio Reyes and Neal Del Rosario • Aktor at Aktres: Bobby Andrews, Jan Marini Alano, Mark Anthony Andaya, Luke Mejares, Johnny Revilla, Richard Reynoso, Valmar Sotto, at Almira Muhlach • Editor sa Pelikula at TV: Manet Dayrit and Katrina Angela Ebarle • Advertising Expert: Angel Jamias • Batikang Peryodista: Alfonso “Al” Mendoza • Public Servants: Racquel Maria Cruz at Fernando Prieto • Negosyante: Cherry Espion, Jose Alberto V, Glenn Patricio, at dating BM Federico Moreno; at • Mental and behavioral expert: Lillian Ng Gui.

“Panghuli, ating pinasasalamatan ang masisipag nating empleyado sa MTRCB. Patunay ang mga nakamit ng Board ay dahil din sa sipag at dedikasyon ninyo para sa serbisyo publiko. Maraming salamat sa lahat ng inyong kontribusyon ngayong 2024 at sa mga darating pang taon,” pahayag ni Ms Lala.

Kaakibat ng malaking bilang ng naribyu ng MTRCB ngayong 2024 ay ang iba’t ibang pakikipag-ugnayan at kolaborasyon, partisipasyon sa labas ng bansa, at ang matagumpay na paglulunsad ng“Responsableng Panonood Tungo sa Bagong Pilipinas” campaign ng administrasyon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Muling tiniyak ng hepe ng MTRCB na sa 2025 ay mas pagbubutihin pa ng Ahensya ang trabaho nito at patuloy na magiging kaagapay ng industriya ng paglikha at ng pamilyang Pilipino tungo sa responsableng panonood at paglikha.

“Sa susunod na taon, mananatili po ang ating dedikasyon sa ating trabaho at mandato na ipalaganap ang responsableng panonood, ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa ating mga stakeholder, at ang pagsuporta sa mga lokal na pelikula sa bansa,” aniya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending