Pumanaw na vlogger na si Lloyd Cadena nagparamdam sa ina
NAAALALA n’yo pa ba si Lloyd Cadena? Siya ang sikat na vlogger na pumanaw noong September, 2020 dahil sa heart attack, ilang araw matapos magpositibo sa COVID-19.
Sumakabilang-buhay si Lloyd sa edad na 26, 19 days bago sumapit ang kanyang kaarawan. Ipinagluksa ang content creator ng kanyang milyun-milyong supporters kabilang na ang mga sikat na celebrities.
Inalala ng kanyang inang si Lorita Cadena o mas kilala bilang “Mother Kween”, ang namatay na anak sa panayam ni Toni Gonzaga para sa YouTube channel nitong “Toni Talks.”
Baka Bet Mo: Kween Yasmin nilinaw ang isyu sa ex-dyowa: Late ko na nalaman na may asawa’t anak pala siya
Kuwento ni Mother Kween, may isang pagkakataon daw na nagparamdam sa kanya ang anak sa pamamagitan ng panaginip.
“Nanaginip ako nu’n pumunta raw ako ng parang malaking bahay, malaking garden. Ang ganda talaga ng paligid. Puro mga halaman, bulaklak. Nag-picnic daw kami nu’n.
“Tapos nakita ko si Lloyd doon. He’s a little boy. Mga 5 years old, naghahabol siya ng mga tutubi, paruparo, doon sa garden na ‘yun,” pagbabahagi ni Mother Kween.
View this post on Instagram
Ang feeling niya, nais lamang ipabatid sa kanya ni Lloyd na nasa maayos na kalagayan na siya kaya huwag na itong mag-alala kung saan man siya naroroon.
Inamin ni Lorita sa naturang panayam na kahit mahigit apat na taon nang wala si Lloyd ay hindi pa rin daw siya nakaka-move on sa pagpanaw nito.
Tinanong ni Toni si Mother Kween kung paano niya na-handle ang biglang pagkawala ng kanyang anak sa edad na 26.
“Actually, parang hindi ko ma-handle. Tapos sabi ng panganay ko, ‘Ma, may iba ka pang anak.’ ‘Yung parang natauhan ako. ‘Yung ganu’n,” sagot ni Mother Kween.
Aniya pa, “Tapos, ang daming nagtatanong na paano daw ako naka-move on. Tapos sabi ko, wala namang nanay na maka-move on, ‘di ba? Hindi kasi nila naiintindihan, e, kasi ‘di sila naging nanay, ‘di ba?”
Ngunit dahil nga sa kanyang panaginip kung saan nagparamdam si Lloyd, naniniwala siya na masaya na ito ngayon sa kanyang kinaroroonan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.