Nanay ni Lloyd Cadena palagi pa ring umiiyak; kinakausap ang anak bago matulog | Bandera

Nanay ni Lloyd Cadena palagi pa ring umiiyak; kinakausap ang anak bago matulog

Ervin Santiago - November 26, 2020 - 09:12 AM

MADALAS pa ring umiyak sa gabi ang nanay ng yumaong vlogger na si Lloyd Cadena lalo na kapag sobrang nami-miss na niya ito.

Hindi raw maiwasan ni Lorita Cadena o mas kilala ngayon sa vlogging world bilang si Mother Kween, ang mapaluha kapag kinakausap niya ang anak bago siya matulog.

Ipinagpapatuloy ngayon ni Mother Kween ang mga charity works na sinimulan ni Lloyd noong nabubuhay pa ang sikat na YouTuber hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang bahagi ng mundo.

Ayon kay Lorita, nangako siya sa anak na hangga’t kaya niya ay magbibigay siya ng tulong sa mga nangangailangan bilang pag-alala na rin sa mabubuting nagawa ni Lloyd sa kanyang kapwa.

“‘Yun ang gusto niya. Lahat ng gusto ni Lloyd na halimbawa pagtulong sa kapwa pagpapatuloy ko ‘yon kasi kumbaga ako ang ha-handle sa naumpisahan na niya,” pahayag ni Lorita sa nakaraang episode ng “Magandang Buhay”.

Puring-puri ni Mother Kween si Lloyd dahil sa pagiging matulungin at generous nito hindi lang sa kanyang pamilya kundi maging sa kanyang mga kaibigan at kapitbahay.

“Very proud naman ako sa anak ko kasi maraming nagmamahal sa anak ko at saka mabait na bata. ‘Yung pinakanakaka-proud ay ‘yung napaka-generous kasi ni Lloyd. Lahat-lahat tinutulungan,” sey pa ni Lorita.

Bigla namang naiyak ang nanay ni Lloyd nang sabihing hanggang ngayon ay kinakausap pa rin niya ang anak, lalo na kapag nag-iisa na siya sa gabi.

“Kinakausap ko siya na masaya na siya sa kung nasaan man siya. Pero parang ayaw kong maalala lagi. Umiiyak ako palagi.

“Parang dina-divert ko ang isip ko, dina-divert ko sa apo ko. Kinakusap ko si Lloyd bago ako matulog at sinasabi ko sa kanya kung ano ang gusto kong sabihin,” lahad pa ni Lorita.

Lumuluha pang nabanggit ng sikat na ring vlogger ngayon na hinding-hindi niya makakalimutan ang pagiging mabuti at masunuring anak ni Lloyd.

“Yung pagmamahal niya, hindi ko makakalimutan. Very loving kasi siya, eh,” aniya pa.

Pinipilit naman daw ni Mother Kween ang makapag-move on agad mula sa kalungkutan at pagluluksa pero talaga raw mahirap.

“Iniisip ko kasi kapag palagi akong sad mahihirapan din ako. Kailangan gagawin ko rin ang dapat kong gagawin.

“Hindi naman ‘yung isyu na wala na si Lloyd ay katapusan na ng mundo ko. So gawin ko ring productive ang buhay ko.

“Kasi matutuwa rin si Lloyd. Kung anuman ang ginagawa ko ay ikatuwa naman niya kahit nasaan siya ngayon,” pahayag pa niya.

Narito naman ang mensahe niya para sa lahat ng nagmamahal at patuloy na nagdarasal sa kaluluwa ng kanyang anak.

“Sa lahat ng Cadenators ni Lloyd na laging sumusubay at saka sa akin, maraming-maraming salamat sa inyo at sa prayers niyo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Kahit naman ngayon nakikita ko sa social media na mahal n’yo pa rin si Lloyd at saka sa akin minahal n’yo rin ako kung gaano n’yo kamahal si Lloyd ay ganoon din ang pagmamahal n’yo sa akin so maraming salamat,” sabi pa ni Lorita.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending