Risa Hontiveros kinuwestiyon ang budget na hinihingi ni Sara Duterte
HINDI naiwasan ni Sen. Risa Hontiveros ang kwestiyunin ang hinihiling na budget ni Vice President Sara Duterte para sa Office of the Vice President para sa darating na 2025.
Sa naganap na budget hearing noong Martes, August 20, tinanong ng senadora ang bise presidente tungkol sa mga programang paglalaanan ng ₱1.909 bilyon na para raw umano sa mga socio-economic program tulad ng medical assistance, burial assistance, food and livelihood assistance.
“May ginagawa bang studies para suportahan ‘yong pagkakaroon ng ganitong programs na parallel naman sa katulad at existing programs ng iba’t iba nating line agencies?” usisa ni Sen. Risa.
Sagot naman ng bise presidente, ang mga ito raw ang request sa kanya ng mga Pilipino.
Baka Bet Mo: Risa Hontiveros nadismaya sa P125-M confidential funds na ginastos lang ng 11 araw: Napakagaspang!
View this post on Instagram
“No’ng pumasok po kami sa Office of the Vice President tiningnan po namin ang mga pinakamaraming request ng ating mga kababayan,” sagot ni VP Sara kay Sen. Risa.
Pagpapatuloy niya, “Unang-una po, ang lagi po naming natatanggap na request ay medical and burial assistance. Pangalawa po ay financial assistance. Pangatlo, lagi silang humihingi ng tulong sa pagkain.”
Sabi pa ni VP Sara kay Sen. Risa, pang-apat sa kanyang tally ay ang request na educational assistance.
“At ang panghuli naman ang lagi naming natatanggap na request galing sa ating mga kababayan ay kapag sila ay naging biktima ng disaster,” dagdag pa niya.
Sabi pa ni VP Sarq, bagamat may mga kaparehong programa o initiatives na mula sa ibang LGU at ahensya ng gobyerno ang mga programang nais niyang paglaanan ng budget, ito raw ang hiling ng mga tao na hindi niya maaaring hindian.
“No’ng ako ay umupo as Vice President I took an oath and do’n sa oath I said that will do justice to every man. So hindi po kami puwedeng humindi sa mga tao na humihingi ng tulong,” saad pa ni Duterte.
Sa huli naman ay sinuportahan ng mayorya ang inihaing budget ng bise presidente.
“The budget of the Office of the Vice President is now deemed submitted to plenary,” saad ni Sen. Grace Poe.
Bago pa man ito ay nagkainitan na rin sina Sen. Risa at VP Sara matapos usisain ng senadora ang tungkol sa libro na nais ipagawa at ipamahagi ng bise presidente na pinamagatang “Isang Kaibigan”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.