Geneva, Yitshak posibleng pinatay dahil sa lupa; 2 ex-cop arestado
POSIBLENG pagtatalo sa lupa ang dahilan sa walang awang pagpatay sa Mutya ng Pilipinas 2024 candidate na si Geneva Lopez at sa fiancé nitong Israeli na si Yitshak Cohen.
In-announce ng pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nasa kustodiya na ng pulisya ang limang persons of interest sa naturang kaso.
Ito’y matapos ngang matagpuan ang bangkay ng dalawang biktima sa isang hukay sa quarry site sa Barangay Sta. Lucia sa Capas, Tarlac, makalipas ang dalawang linggo matapos silang maiulat na nawawala noong June 21, 2024.
Baka Bet Mo: Nawawalang magkasintahan ex-pulis na nag-AWOL ang kinatagpo sa Tarlac
Ayon kay DILG Sec. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. na humarap sa media para sa briefing hinggil sa kaso, “Yung tatlong taong nabanggit ko ay nasa kustodiya ng kapulisan sa ibang kaso.
“Pero malaki ang kinalaman nila dito sa kaso ni Geneva at ni Yitshak. Ang mga naaresto ngayon under police custody ay si Michael Guiang. Siya po ay dating miyembro ng PNP pero siya ay na-dismiss noong February 2020, AWOL.
“At ang pangalawa ay si Rommel Abuso, dati ring miyembro ng Phillippine National Police pero na-dismiss sa serbisyo noong 2019, again AWOL.
“At merong isang sibilyan na nasa custody rin ngayon, ang pangalan ay Jeffrey Santos.
“So, itong tatlong ito, kasama ang dalawang taong nag-voluntary surrender sa kapulisan, si ‘Alyas Junjun’ at ‘Alyas Dondon.’ At meron pang dalawang at-large,” saad ng opisyal.
“By the way, I would like to emphasize na itong dalawang taong ito ay matagal nang tinanggal sa serbisyo ng ating pamahalaan,” aniya pa.
Baka Bet Mo: Sandra Cam, anak kakasuhan sa pagpatay sa Masbate vice mayor
Samantala, ayon naman kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Maj. Gen. Leo Francisco, posibleng pinatay sina Geneva at Yitshak dahil sa alitan sa lupa.
“Yung magnobya ay nagkaroon ng pagkakataon na makipagkita kay Guiang, dahil si Guiang ay may isinanlang lupa kay Geneva at gusto nang bawiin ni Geneva yung lupa kay Guiang.
“In the same manner, sinabi ni Guiang na may buyer din yung lupang isinangla niya at ipapakilala niya ito kay Geneva, itong si Abuso as buyer,” paliwanag ng PNP official.
Nagkita umano ang apat at binaril ng dalawang ex-cop sina Geneva at Yitshak sa loob ng nasunog na sasakyan.
“So, makikita niyo it’s a planned activity. So there was that plan of killing. So, makikita niyo, ayaw ibigay ni Guiang yung kanyang isinanlang lupa kay Geneva, na gusto nang bawiin ni Geneva.
“And we are collating some more evidence and statement dahil tinitiyak namin na dito nagsimula sa motibo na ito yung pagpatay sa magnobya na ito,” sabi pa.
Magsasampa ng kaukulang kaso ang CIDG sa piskalya laban sa mga nabanggit na persons of interest.
Bago matagpuan ang bangkay ng mga biktima, nag-alok pa si Vice-Governor Lilia Pineda ng P1 million bilang reward sa makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa nawawalang mga biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.