Nawawalang beauty queen, dyowang Israeli hindi pa rin natatagpuan
TULOY pa rin ang operasyon ng pulisya para matukoy ang kinaroroonan ng nawawalang beauty queen na si Geneva Lopez at ang fiancé nitong Israeli na si Yitshak Cohen.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang magkarelasyon kaya tuluy-tuloy pa rin ang ginagawang paghahanap at pag-iimbestiga ng Capas PNP sa Tarlac.
Ayon sa report, nitong nagdaang Biyernes, June 21, huling makita ang beauty queen kasama ang kanyang boyfriend sakay ng isang SUV.
Kasunod nito, nadiskubreng sunog at abandonado na ang SUV na gamit nina Geneva at Yitshak sa isang lugar sa Barangay Cristo Rey.
Base sa inisyal na pagsisiyasat, nagpaalam umano na magtutungo ang engaged couple sa Tarlac City para i-check ang binibiling lupa. Sa Capas daw nila imi-meet ang “middleman” na kausap nila sa bentahan ng lupa.
Nakipag-ugnayan na rin ang sinasabing middleman na nakausap ng dalawang biktima bago sila napaulat na nawawala.
View this post on Instagram
Patuloy ang ginagawang backtracking ng PNP sa mga CCTV kung saan namataan ang nawawalang magkarelasyon. Bukod dito, nakikipag-usap na rin ang pulisya sa embahada ng Israel.
Ipapatawag rin ng PNP ang may-ari ng SUV na sinakyan ng mga biktima na natagpuan ngang sunog sa Capas upang magbigay ng karagdagang impormasyon kung bakit nasa mga biktima ang sasakyan.
Matatandaang nag-join si Geneva sa Mutya ng Pilipinas Pampanga noong 2023 pero hindi siya sinuwerteng manalo pero umabot naman siya sa Top 10 finalist.
Sabi pa sa mga report, sumali uli ang dalaga sa Mutya ng Pilipinas Pampanga ngayong taon bilang bet ng Sto. Tomas.
Ayon kay Rowena Laughlin, provincial director ng Mutya ng Pilipinas Pampanga, never daw na-late o umabsent si Geneva sa mga rehearsal nila para sa pageant.
Ngunit nito ngang nagdaang Sabado, hindi nag-report si Geneva sa kanilang rehearsal. Wala rin daw alam ng handler ni Geneva sa kinaroroonan nito.
“Rehearsal nila noong Saturday, so around 8:30 wala pa si Geneva, usually 8 a.m. ang call time nila. So around 8:30 nag-message yung handler niya sa akin, asking me kung nakaattend nga ng rehearsal si Geneva and I found out nga na hindi siya naka-attend ng rehearsal,” sabi pa ni Laughlin.
Sa ngayon, nagdarasal at umaasa pa rin ang pamilya nina Geneva na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang mga nawawalang biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.