Nawawalang magkasintahan ex-pulis na nag-AWOL ang kinatagpo sa Tarlac
DATING alagad ng pulisya ang kinatagpo ng nawawalang magkarelasyon na si Geneva Lopez at Israeli national na si Yitshak Cohen.
Ito ang kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) sa pinakahuling report na inilabas nila sa publiko hinggil sa kaso ng pagkawala ng beauty pageant contestant at ng kanyang boyfriend.
Dating pulis daw ang nagsilbing middleman na kausap nina Geneva at Yitshak tungkol sa bibilhin sana nilang lupa sa Tarlac.
Sabi ni Police Col. Jean Fajardo, spokesperson ng PNP, totoong dating miyembro ng kapulisan ang naturang pulis na naka-assign sa Angeles City Police Office, “He was dismissed from the police service in February 2020 for AWOL.”
Matatandaang natagpuan na ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Tarlac noong Linggo ng gabi ang inabandonang sasakyan na posibleng ginamit ng persons of interest sa kaso nina Lopez at Cohen.
Ito ang sinasabing ikatlong kotse na nakitang kasama ng sasakyan ng nawawalang magkasintahan pati na ng middleman na nagtungo noong June 21 sa Barangay Armenia sa Tarlac City kung saan naroon ang lupang bibilhin sana ng mga biktima.
“Sa ngayon, ‘yung report, meron nang natagpuan ang ibang operatiba natin dito sa Province of Tarlac, diyan sa Barangay Tibag, Tarlac City,” sabi naman ni Capas Police chief Police Lieutenant Colonel Librado Manarang.
“As of now, wala pa rin akong konkretong detalye regarding doon sa nakitang abandoned na sasakyan,” aniya pa.
Sabi pa ni Manarang, nakakuha na rin sila ng testimonya mula sa middleman at ilang tauhan daw ng PNP ang nakipag-usap sa lawyer ng tinutukoy na middleman.
“Doon sa affidavit at testimony, na-interview natin si middleman. Noong June 21, mga 2 to 3 p.m., na-meet niya yung magkasintahan. Pumunta sila sa Barangay Armenia, Tarlac City kung saan titignan nila yung lupa na bibilhin sana ng dalawa.
“Yung middleman lang yung na-meet doon sa mismong area na bibilhin sana nilang lupa. Businessman din siya and nagiging ahente rin siya ng mga lupa-lupa. Yes, dati siyang pulis po. Before siya naalis sa serbisyo, na-assign po siya sa Angeles City,” sabi pa ng opisyal ng PNP.
Kamakailan ay nag-alok ng P250,000 reward ang pamilya ni Geneva para sa sa mabilisang paghahanap sa mga biktima.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng follow-up operation ang PNP para matukoy ang eksaktong lugar na kinaroroonan nina Geneva at Yitshak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.