Pamilya ni Catherine Camilon umaasang makakapiling pa rin ang beauty queen
BAGONG taon na pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ng mga otoridad at ng kanyang pamilya ang beauty queen na si Catherine Camilon.
Halos tatlong buwan nang nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group 4A (CIDG-4A) para mahanap ang kinaroroonan dalaga.
Matatandaang noong October, 2023 pa nabalitang nawawala ang isa sa mga naging contestant sa Miss Grand Philippines 2023 pageant na kasabayan ni Herlene Budol.
Ngunit sa kabila nito, umaasa pa rin ang nanay ni Catherine na si Rose Camilon at ang kanilang pamilya na makikita at makakasama pa rin nila ang nawawalang beauty queen at teacher.
“Anak miss na miss kn nmin. mahal na mahal ka nmin. lagi kong dalangin sa ating mahal na Panginoon na ikaw eh mkasama na ulit nmin,” ang post ni Rose sa kanyang Facebook account.
Pati ang kapatid ni Catherine na si Chin-Chin Camilon ay nagbahagi rin ng kanyang New Year’s message sa FB para sa nawawalang kapatid.
View this post on Instagram
“Happy New Year Catherine, i love you so much at miss na miss na kita. hanggang october lang inabot ng picture mo, next year sana kompleto na,” pahayag ni Chin-Chin.
Matatandaang inaresto ng mga otoridad ang sinasabing boyfriend ni Catherine na si Police Major Allan De Castro matapos akusahan bilang pangunahing suspek sa pagkawala ng dalaga.
Nitong nagdaang December 19,
isinagawa ang unang preliminary investigation sa kasong kidnapping at illegal detention laban kay De Castro, sa Batangas City Hall of Justice. Pero hindi ito dumalo sa pagdinig.
Sabi ng abogado ni De Castro na si Atty. Ferdinand Benitez, “Ngayon lang kami nakatanggap ng complaint niya. As of now, wala pa kami masyadong alam. We’ll be filing a counter affidavit after.”
Nananatili pa rin sa restrictive custody sa Camp Vicente Lim sa Laguna si De Castro.
Sa isang panayam sa nanay ni Catherine, sinabi nitong, “Nanay ako na walang ibang hahangarin para sa mga anak kundi yung kaligtasan, e. Basta, yung gusto ko bumalik siya, ligtas, buhay.
“Simula pa lamang naman nung umalis siya, ni minsan hindi ko inisip na hindi siya makakabalik sa amin. Wala naman kaming ibang hinihiling kundi yung magkaroon ng linaw, yung malaman namin kung nasan ang aming anak talaga.
“Dalawang buwan na rin, ang hirap. Noon pa lagi kong sinasabi sa kanya na ibalik niyang ligtas ang aming anak, ilabas niya kung nasaan,” pakiusap ni Ginang Rose sa mga suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.