Boy emosyonal sa paghaharap ng ama at beking anak: Tatay, he’s human!
SA gitna ng pagdiriwang ng Father’s Day at Pride Month, ipinakita ng “CIA with BA” ang kwento ng isang ama at ng anak niyang beki na kumurot sa puso ni Boy Abunda.
Napaluha si Tito Boy sa mga rebelasyon ng isang tatay na nagsisimula pa lamang tanggapin ang pagkakaroon ng anak na bading.
Dumulog si Yuri sa segment na “Case 2 Face” upang ibahagi ang kanyang mga laban kasama ang kanyang ama, si Tatay Marcos, na matagal nang hindi tanggap ang kanyang kanyang sekswalidad.
“Gusto niya po akong maging isang tunay na lalaki. Ginawa ko naman po ang lahat pero pusong babae po talaga ako,” pahayag ni Yuri.
Inamin ni Tatay Marcos na may mga pagkakataon na nasaktan niya si Yuri na sa kanyang paniniwala ay upang disiplinahin ang kanyang anak.
“Kung sakaling hindi mabago ang pagiging bakla niya, ang gusto ko magsumikap siya sa trabaho. Ayoko nu’ng bigla siyang aalis pagkasweldo.
“Ang nagiging ugali kasi niya, pumupunta siya sa mga barkada niya, nakikipag-inuman, du’n tumitindi ang galit ko,” paliwanag ni Tatay Marcos.
Nagbigay ng payo si Sen. Alan Peter Cayetano sa mag-ama, “We can disagree with his choices pero mahal pa rin siya. We can disagree with his lifestyles, pero respetuhin pa rin siya. Karapatan mo na sabihin sa anak mo na, ‘ito ang mali, ito (ang) tama.’”
“Maaaring sa mind mo mas magiging maigi ang buhay niya kapag siya’y naging straight, ‘pag hindi siya bakla, pero ‘pag nilagay mo sa sako’t ginulpi, may epekto po ‘yun ‘Tay e,” pagpapatuloy ng senador.
“Karapatan mo tatay na sabihin sa mga anak mo kung ano ang tama’t mali, pero hindi mo karapatan na mag-decide para sa kanila,” aniya pa.
Sa episode, lumabas din na nakipaglaban sa depresyon si Yuri noong mga 18 na taong gulang siya, na halos humantong sa kanyang pagpapatiwakal.
Baka Bet Mo: Willie Revillame may ginawang kanta para kina BBM at Sarah: Ang kulang sa kampanya n’yo ay puso…
“Anak, kung anuman ang nagawa kong pagmamalupit sa iyo, hindi ko na uulitin kahit kailan. Unti-unti ko rin matatanggap ‘yung katayuan mo bilang bakla.
“Magtulungan na lang tayo habang mayroon pa akong natitirang lakas dahil hindi naman ako pabata nang pabata. Parang magpanibagong buhay tayo,” mensahe ni Tatay Marcos sa anak. “Hindi na kita sasaktan. Igagalang ko na lagi ang pagkatao mo.”
Bilang miyembro ng LGBTQIA+ community, nagbahagi si Tito Boy ng kanyang mga saloobin sa pagtatapos ng segment.
“Parati ko pong sinasabi na ang pagmamahal ng isang LGBT person ay pantay sa pagmamahal ng kahit sino. Ipinapaliwanag ko po ‘yung karapatan naming mabuhay,” saad ng award-winning talk show host.
Sa pagtugon kay Tatay Marcos, idinagdag ni Tito Boy, “Tatay, he’s gay, he’s human, anak ng Diyos po ‘yan, at higit sa lahat, anak niyo po ‘yan kaya ‘yung pagmamahal mo ay hindi dapat ipakiusap ni Yuri. Baka pwedeng titigan ho ninyo, yakapin ho ninyo, mayroong kadakilaan ho ‘yon.”
“Maraming mga bakla, mga lesbian, LGBT people ang inuuna ang kanilang pamilya kaysa sa kanila. Ako, did I choose to be gay? Hindi po. Kami’y naniniwala kasi na anak din kami ng Diyos and we were born, we were created to be who we are. Buksan niyo ho ang puso niyo. Tao ho ‘yan. Mabuting tao ho ‘yan,” pagtatapos ng King of Talk.
Pinangungunahan nina Sen. Alan, Sen. Pia, at Boy Abunda, ang “CIA with BA” ay ipinapalabas tuwing Linggo, 11 p.m. sa GMA 7, at may mga replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m..
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.