Coco, Vhong magsasanib-pwersa: Mas madugo, mas brutal, mas sagad!
EXCITED na ibinandera ng Kapamilya superstar na si Coco Martin ang pagsasanib-pwersa nila ni Vhong Navarro para sa isang pasabog na proyekto.
Sa kauna-unahang pagkakataon, balak ni Coco na gumawa ng isang limited series at ang TV host-actor ngang si Vhong ang napili niyang makasama sa naturang project.
Siniguro ng Teleserye King na ibang-iba ang konsepto at magiging atake ng binubuo niyang limited series sa napapanood ng madlang pipol gabi-gabi sa “FPJ’s Batang Quiapo” at maging sa past movies niya.
“May binubuo akong konsepto with Vhong Navarro. Medyo mabigat. Action, suspense drama at saka comedy.
“Pero sabi ko kasi, iba ang atake nang paggawa ng series, sa ibang platform kesa sa mga teleserye,” ang ibinahaging balita ni Coco sa panayam ng ABS-CBN.
View this post on Instagram
“Ito mas madugo, mas brutal, mas sagad. Dapat unexpected, dapat first episode pa lang mapakapit mo na agad ‘yung mga viewers. Kaya sabi ko, ‘yung hindi ko nagagawa sa ‘Batang Quiapo’, dito sasagarin namin ‘yan,” pahayag ni Coco.
Pasabog din daw ang mga artistang gusto niyang makasama sa bawat episode ng binabalak niyang serye.
“Alam ko ‘pag nagsama kami, alam ko na ‘yung iisipin ng mga tao, na action-comedy ‘yan. Hindi. Iibahin ko. Iba ang character niya (Vhong). Iba ang istorya,” paniniguro pa ng bagong Action-Drama King.
Baka Bet Mo: Hiling ng kampo ni Vhong Navarro: ‘Sana makalaya na siya sa Pasko at makasama ang pamilya’
Nitong nagdaang linggo, pinag-usapan din ang dalawang pelikula niya with the award-winning director Brillante Mendoza, ang “Apag” at “Pula” na nag-top sa most-watched movies sa Netflix Philippines.
Sa “Pula” nakasama niya ang kanyang partner na si Julia Montes at si Raymart Santiago.
View this post on Instagram
“Sobra kong na-miss makatrabaho si Direk Dante (Mendoza) and anytime na kailangan niya ako okay lang. Kahit na from Ilocos na walang pahinga, diretso agad sa shooting.
“Natapos ko ‘yung dalawang pelikula kasi sobra akong proud, actually pati ‘yung ‘Apag’ nag-number one rin.
“Ang sarap balikan. Ang tagal kong nag-TV, nag-mainstream movie, ngayon lang ako ‘pag nagkakaroon ng pagkakataon bumabalik ako sa indie films.
“Ang sarap balikan kasi ito ‘yung time para makapagpasalamat ako kung saan ako nagmula. Sino ‘yung mga taong tumulong sa akin noong nagsisimula ako,” ang masaya pang kuwento ni Coco Martin sa panayam ni MJ Felipe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.