Batang Quiapo, Abot-Kamay Na Pangarap, Black Rider isinumbong sa MTRCB
AMINADO si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Lala Sotto na nanonood siya ng “It’s Showtime.”
Alam naman ng lahat na kalaban ng noontime show nina Vice Ganda, Anne Curtis at Vhong Navarro ang noontime show ng tatay niyang si former Sen. Tito Sotto.
Kuwento ni Chair Lala, favorite raw kasi niya ang bagong segment ng “It’s Showtime” na “EXpecially For You” kung saan ipinaglalaban ng programa ang lahat ng klase ng pagmamahalan (kabilang na ang mga relasyon ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community).
“Nakakaiyak kasi ‘yung ibang kuwento,” ang pahayag ni Chair Lala nang makachikahan ng mga officers and members ng Society of Philippine Entertainent Editors (SPEEd) sa kanyang opisina sa MTRCB.
View this post on Instagram
Kaya naman ang sundot na tanong sa kanya, alam ba ‘to ng kanyang tatay na si Tito Sen na isa sa mga host ng “Eat Bulaga”?
“Lahat naman pinapanood ko,” ang matipid na tugon ni Chair Lala.
Kung matatandaan, sinuspinde ng MTRCB ang “It’s Showtime” noong nakaraang taon matapos makatanggap ng sandamakmak na reklamo mula sa manonood tungkol sa malaswa umanong pagdila ng icing nina Vice at Ion Perez on national TV.
Pero ayon kay Chair Lala, wala nang masyadong reklamo sa “Showtime” ngayon at in fairness, patuloy na raw nakikipagtulungan ang production ng programa sa MTRCB.
Samantala, ibinalita rin ni Chair Lala na marami raw silang natatanggap na reklamo ngayon para sa GMA series na “Abot-Kamay Na Pangarap” ni Jillian Ward. Pero tumanggi siyang magdetalye hinggil dito.
Bukod dito, nakipag-dialogue na rin daw sila sa produksyon ng “Batang Quiapo” ni Coco Martin at “Black Rider” ni Ruru Madrid.
“Normal naman ‘yun dito sa MTRCB. Almost everyday, may mga production or show kaming pinapatawag. If not almost, it’s really every day,” ani Chair Lala.
View this post on Instagram
Dedma na rin daw siya sa kanyang mga bashers, “Don’t let it affect you by not… just don’t read it. Parang you don’t want to listen to opinions that don’t matter to you. Maaapektuhan lang ako ‘pag may sinabi na sa akin ang magulang ko (Tito Sen at Helen Gamboa).”
Samantala, bukod sa dalawang programa sa SMNI, ipinagbawal na rin ng nasabing ahensiya ng pamahalaan simula kahapon ang pag-ere ng programang Private Convos with Doc Rica sa One News Cable Channel, dahil sa pagpapalabas nito ng episode na labag sa alituntunin ng MTRCB Rating.
Sa desisyon ng MTRCB noong Enero 24, sinabi nito, “Ipinagbabawal ng MTRCB ang programang pantelebisyon na ‘Private Convos with Doc Rica’ ng exportasyon, pagkopya, distribusyon, benta, upa, eksibisyon, at/o pag-ere sa lahat ng platform ng media sa ilalim ng hurisdiksyon ng MTRCB, epektibo sa oras na naging pinal ang desisyon.”
Sa Incident Report na isinabmit ng Monitoring and Inspection Unit (MIU) kay MTRCB Chairperson noong 24 Agosto 2023, idiniin na ang episode ay naglalaman ng mga usapin ng mga karanasan at mga sekswal na pantasya, kasama na ang paggamit ng hindi angkop na wika.
Nakatanggap din umano ang Board ng mga reklamo laban sa programa, na karamihan ay mula sa mga magulang.
Isang Notice to Appear ang inilabas noong ika-28 ng Setyembre 2023, na nag-uutos sa mga Respondent na magtestigo sa MTRCB Hearing and Adjudication Committee.
Nagpadala ang mga Respondent ng kanilang kinatawan at inutusan sila ng MTRCB na magsabmit ng kanilang position papers.
Matapos ang masusing pagsusuri sa kaso at ng position papers, napatunayang nilabag ng programa ang probisyon ng batas, partikular sa Seksyon 3 (c) ng Presidential Decree No. 1986 (PD 1986) at Seksyon 2, Kabanata IV, kaugnay ng Seksyon 8, Kabanata V ng Implementing Rules and Regulations ng PD.
“Hinihiling namin sa mga content creator na maging maingat at responsable sa kanilang mga proseso ng paggawa, na kumikilala sa impluwensya ng on-screen content,” sabi ng MTRCB.
Sinabi rin ng Board ang kahalagahan ng pagiging angkop ng medium at timeslot para sa pagpapalabas, anuman ang nilalaman ng mga episode, lalo na ang mga maselang usapan tungkol sa mga karanasang sekswal at ang paggamit ng hindi angkop na wika.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.