‘Summer MMFF 2024’ hindi matutuloy, pag-arangkada ng PPP pag-aaralan pa
WALANG Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.
‘Yan ang inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang organizer ng nasabing event, sa kabila ng patuloy na record-breaking streak ng 49th MMFF na umani na ng mahigit P1 billion sa takilya.
Ayon sa MMDA Chairman at concurrent MMFF ExeComm Chairman na si Don Artes, nais kasi nilang mag-focus at mas pagkaabalahan ang 50th MMFF sa Disyembre.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin dahil hindi na po kami magsa-Summer, ang Metro Manila Film Festival,” sey ni Artes sa isang press conference.
Paliwanag niya, “Dahil gusto po naming mag-concentrate sa 50th edition natin. Pero marami din naman po tayong activities na naka-line up.”
Nabanggit din ng chairman na nakipag-ugnayan siya sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa posibleng pagbabalik ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).
Baka Bet Mo: 10 official entry ng MMFF 2023 extended sa mga sinehan hanggang Jan. 14
“Nag-usap ho kami ng FDCP sa pangunguna ni Chair Tirso Cruz III na kung pwede instead na Summer MMFF ay magkaroon ng Pista ng Pelikulang Pilipino para ma-sustain po natin yung momentum,” sambit ni Artes.
Nangako rin ang MMDA na sakaling magkaroon ng PPP ay magbibigay sila ng suporta at tulong para rito.
“At kami po sa MMFF ay nag-offer ng tulong kung sakaling magko-conduct po ang FDCP ng Pista ng Pelikulang Pilipino,” ani ng MMDA Chairman.
Samantala, nilinaw naman ng FDCP na kailangan pa nilang pag-aralan ang revival ng PPP.
“FDCP Chairman Tirso Cruz Ill responded that the proposal has to be extensively studied. Apart from a reduced budget, the PPP is not part of FDCP programs lodged for 2024,” wika ng FDCP sa inilabas na pahayag sa social media.
Pagkaklaro pa ng ahensya, “The concept of bringing back the PPP was a suggestion of the MMDA Chairman during a conversation which was taken out of context in a recent press conference.”
Samantala, makasaysayan ang MMFF 2023 kung saan nabasag nito ang record ng pinakamalaking kinita ng taunang filmfest na naitala noong 2018.
Umabot na sa P1.069 billion ang gross sales ng 10 official entry ng MMFF na tumakbo mula December 25, 2023 hanggang January 7, 2024.
Nalagpasan na nito ang kinita ng walong pelikulang kalahok sa MMFF 2018 na umabot naman sa P1.061 billion sa dalawang linggong pagpapalabas nito sa mga sinehan.
At dahil na rin sa kahilingan ng marami, pinalawig na hanggang January 14 ang pagpapalabas ng 10 film entries sa mga lokal na sinehan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.