Anjo Yllana hindi pa rin nakikipag-usap kay Jomari Yllana
INAMIN ng aktor at komedyanteng si Anjo Yllana na hindi sila nag-uusap ng kapatid na si Jomari Yllana.
Sa kanyang interview kay Aiko Melendez na mapapanood sa YouTube channel ng huli ay napag-usapan nila ang iba’t ibang ganap sa buhay ngayon ng komedyante.
Pag-amin ni Anjo, hindi talaga siya nagpapaunlak ng mga interview ngunit dahil sa hindi na nga iba sa kanya si Aiko ay pinagbigyan niya ito.
Para sa mga hindi aware, malapit ang dalawa at minsan ring naging sister-in-law si Aiko nang ikasal ito sa nakababatang kapatid niyang si Jomari.
Napag-usapan kasi nina Anjo at Aiko ang ilang mga pangyayari sa buhay ng komedyante maging ang hiwalayan nila ng asawa.
Napuri ni Aiko ang kaibigan dahil sa kabila ng mga nangyari ay wala itong ibinatong hindi maganda sa dating asawa.
Napagkuwentuhan rin nila ang pagiging close ni Andre, anak ni Aiko, sa mga pinsan nitong na mga anak naman ni Anjo.
“Sabi ko nga, i-maintain mo yang relationship mo with your cousins kasi hindi man kami naging ok ni [Jomari]… Hindi kami nag-uusap,” saad ni Aiko.
Baka Bet Mo: Anjo Yllana binigyan ng trabaho ni Jinggoy Estrada sa Senado; naging best friend na rin daw niya si Robin Padilla
Dito ay nabanggit nga ni Anjo na hindi sila maayos ngayon ni Jomari.
“Hindi kayo nag-uusap? Huwag kang mag-alala, hindi rin kami nag-uusap. Kayo hindi kayo nag-uusap, kami hindi kami nag-uusap.
“Pero ayoko nang pag-usapan kung bakit di kami nag-uusap. I just don’t wanna lie na merong hindi tama. May problema kaming magkapatid, but that’s between us. As much as possible, ayoko na lang pag-usapan,” pagbabahagi ni Anjo.
Sabi naman ni Aiko, darating ang araw na magiging maayos rin kung anuman ang nangyari sa pagitan nilang dalawa.
“Basta katulad niyan, kinasal sila, di ba, so I’m happy for them. Ikinasal sila even though we did not talk,” sey ni Anjo.
Ang tinutukoy niya ay ang pagpapakasal ni Jomari kay Abby Viduya sa Las Vegas, Nevada noong November 5, 2023.
Kuwento pa ni Anjo, “Kasi ang bilin ko sa kanya noon, I was so hurt nung nakipaghiwalay siya sa yo. Kasi sabi ko nga, once you’re a member of our family, I consider you as a family. You will be forever part of me as a family member.
“So, nung nag-break kayo, nasaktan ako. I advised him. Sabi ko, ‘Next time, ha’. Ako minsan lang ako magsalita, bilang the kuya and wala na kasi yung daddy ko nun… Sabi ko sa kanya, being the eldest, ‘Ang pakiusap ko lang sa yo, pag nakaroon ka ng girlfriend ulit, bigyan mo ng five years bago ka mag-asawa ulit. Kasi ayokong maggi-girlfriend ka, mag-aasawa ka, tapos maghihiwalay ulit.’”
Segunda naman ni Aiko, tinupad naman daw ni Jomari ang hiling sa kanya ng kanyang Kuya Anjo.
Ilang taon rin kasi munang nagkarelasyon dina Jomari at Abby bago nagdesisyong magpakasal.
Gusto raw kasi ni Anjo na sana’y hindi na maulit ang nangyari sa kanyang naunang marriage.
“Ayoko ngang maulit yung nangyari sa inyo. Gusto ko pag nagkaroon siya ng asawa, panghabambuhay na. So, hopefully, panghabambuhay yon,” sey pa ni Anjo.
Kahit na walang binanggit ang komedyante, matatandaang isang Facebook post ang ibinahagi niya noon kung saan inakusahan niya sina Jomari at Abby ng pagbulsa ng kanyang campaign funds para sana sa pagtakbo niya sa Camarines Sur bilang congressman na kalaunan ay inatrasan niya.
Sa ngayon ay isa si Anjo sa mga staff member ni Sen. Jinggoy Estrada na ang kanyang trabaho ay makinig sa mga hinihinging tulong ng mga local government units sa opisina ng senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.