Deborah Sun labis ang pasasalamat kina Ara Mina at Julius Babao sa pagpapa-renovate ng kanyang tirahan: Ang sosyal na!
NALUHA ang aktres na si Deborah Sun nang masilayan niya ang renovated condo unit kung saan sila nakatirang mag-iina kasama sina Jam Melendez (kapatid ni Aiko Melendez sa ama) at Gem (anak na babae ng aktres) matatagpuan sa Cubao, Quezon City.
Ang nasabing condo unit ay pag-aari ng TV host/actress/entrepreneur na si Ara Mina at pinatira niya ang mag-iina ng libre simula pa noong 2016.
Ayon kay Ara ay dalawang taon ng walang nakatira sa unit niya kaya naisipan niyang ipagamit ito kina Deborah kasama ang mga anak para hindi masayang.
Sa loob nang halos walong taon ay hindi na napaayos ng aktres ang mga nasirang tiles sa banyo at baradong inidoro, bintana sa kuwarto, mapa-pintura, tumutulong sahig at ilan sa problema dahil ang katwiran ng aktres ay mas uunahin niya ang pangkain nilang mag-iina.
Wala ring alam si Ara na may ganitong pinagdadaanan sina Deborah at nalaman lang niya nang makapanayam ni Julius Babao sa vlog niya ang aktres dahil hindi sila pinapasok sa loob ng unit nito habang nakatutok ang kamera dahil sobrang gulo, masikip at iba pa.
Pagkatapos ng panayam ay saka lang nakita nina Julius at Ara ang kabuuan ng unit at doon na sila nag-desisyong ipaayos ito sa tulong ng Mariano Builders.
View this post on Instagram
“Thank you Lord, ang ganda, ang ganda, ang sosyal na,” ito ang nasambit ni Deborah pagpasok niya sa unit nila.
Pagkakita ng banyo, “pati ang banyo, ang ganda, nay flush na hindi na barado.
At nang makita ang kuwarto, “wow, ang ganda, may kutson na, ang ganda ng bintana (sabay tingin sa ibaba). ‘Yung binata kasi namin dito pag hinahangin muntik ng bumagsak dati ‘yun buti naagapan ko, pinasara ko agad.”
Ang mga bagong gamit sa unit tulad ng dining table, Smart TV, cabinets, chandalier, electric fans ay bigay lahat ni Ara at pinag-iisipan kung gagawing double deck ang higaan para sa dalawang anak ni Deborah at ang sofa bed with pull-out ay para sa huli.
“Sobrang happy talaga (basag ang boses) sa tulong ninyo. Isipin mo bahay ito ni Ara imbes na paalisin kami pinaganda pa sib a? nakakataba ng puso, thank you, thank you sa inyo (lingon kay Ara at Kay Julius), thank you Abet (Mariano-contractor),” masayang sabi ni Deborah.
Sa tanong ni Julius kung ano ang nararamdaman that time ng aktres, “siyempre ang sarap kasi bahay na talaga dati mayroon kaming nasisilungan at natutulugan. Sabi ko nga kay Ara na imbes na pagandahin ko, ibibili ko na lang ng pangkain at mga damit.”
Pero inaming kapag may emergency tulad ng nasiraan sila ng rice cooker, lutuan, at iba pa ay nagsasabi talaga siya kay Ara na kaagad namang pinahahatid ang mga kailangan nina Deborah.
Diin pa, “binigyan mo kaming mag-iina ng masisilungan. ‘Yung masisilungan ay napakalaking bagay ‘Nak. Sabi ko nga kung hindi kami tinulungan nasa kalye kami o iskwater pero siguro hindi rin kasi nandiyan naman Tito Philip (Salvador) ko, mga kapatid ko, pero ngayon hindi na sila naabala kasi ikaw (Ara) na ‘yun, kinargo mon a kaming mag-iina. At talagang siya (Ara) ang tumawag sa akin para kumustahin ako at sabi nga niya patiirahin niya ako ng libre.”
At dahil hindi naman kalakihan ang unit ay pinayuhan ni Ara si Deborah na piliin ang mga importanteng gamit at ang iba ay i-let go na na inayunan naman ng huli.
Sabi nga ni Ara, “ako po ganu’n pinipili ko ‘yung useful sa akin at iba ay nil-let go ko na, abangan n’yo po ‘yan year-end sa mga gamit kop o for charity para sa mga gsnitong sitwasyon kapag may mga nangangailangan. Actually, yearly akong nagga-ganun.”
Binanggit naman ni Julius na marami nga raw natutulungan si Ara na hindi naman niya ipinagmamalaki kaya tinanong siya ng TV host/vlogger kung bakit niya ginagawa ang ganito.
“Bakit ng aba? Hindi ko rin alam actually nag-start kasi ako na gumawa ng foundation because I have a down syndrome na kapatid na naiintindihan ko ang lahat ng tao sa sitwasyon nila kahit hindi ko napagdadaanan ‘yun. Inilalagay ko na lang sa isip ko, ‘what if kung ako ngayon?’ saad ng aktres.
Related Chika:
Aiko may rebelasyon tungkol kina Ara Mina at Deborah Sun; mas tumindi pa ang pagmamahal kay Jay Khonghun
Deborah Sun sinayang ang tulong ng mga kapwa artista; sa edad na 60 nakulong pa
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.