Dolly de Leon rumaket din bilang mascot at yaya; unang lumabas sa ‘Shake, Rattle & Roll’ bilang barkada ni Ai Ai
KNOWS n’yo ba na marami rin palang pinasok na mga karaketan ang internationally-acclaimed Filipina actress na si Dolly de Leon?
Dahil sa matinding pangangailangan, kung anu-anong trabaho ang pinagtiyagaan ng veteran actress noong walang-wala pa siya sa buhay.
Bago nga siya gumawa ng kasaysayan bilang first ever Pinay na na-nominate sa British Academy of Film and Television Arts o BAFTA at Golden Globe Awards, namasukan muna siya bilang mascot at iba pang mga sideline sa malalaking events.
“Naging mascot ako bilang baka. Pero dalawa kami, ako ‘yung nasa likuran, tapos ‘yung kasama ko siya yung nasa harapan.
“So nakakapit ako sa hips niya, tapos ‘yung likuran niya ay nakaharap sa akin, tapos sumasayaw kami. Masaya ‘yon, masaya,” chika ni Dolly sa episode ng “Magandang Buhay” kahapon.
Bukod dito naging babysitter din siya, “Pamangkin ko rin bineybysit ko pero may bayad yon, trabaho siya.”
Naikuwento rin ni Dolly ang tungkol sa pagsisimula ng kanyang acting career. Sumabak siya sa pag-arte noong nag-aaral pa lang siya sa University of the Philippines.
“Sophomore pa lang ako lumalabas na ako sa mga sitcom, drama anthology at kasabayan ko sina Uge (Eugene Domingo) at sina Candy (Pangilinan). Doon ako nag-start sa mga sitcom,” pagbabahagi pa ng premyadong aktres.
Baka Bet Mo: Robin titigil muna sa showbiz ngayong senador na: Napakalaking responsibilidad kasi ang magsilbi sa bayan
“Acting talaga ang gusto ko nu’ng bata pa ako pero never ko talaga siya pinursue nung una, lalo na nung pag-graduate ko ng college kasi matumal ang trabaho konti lang ang pumapasok na trabaho.
“So gumawa ako ng iba’t ibang bagay para matuloy ko pa rin ang passion ko which is acting. Kaya ako nag-cashier, kaya ako nag-mascot at lahat,” sey pa niya.
Ang unang pelikulang ginawa niya ay ang “Shake Rattle and Roll III” na idinirek ni Peque Gallaga para sa episode na “Undin.”
“Ang big deal nu’n, si Manilyn Reynes ang bida. Tungkol ‘yon sa undin. Isa ako roon sa boarders na barkada ni Ai Ai delas Alas dahil siya ‘yung kontrabida roon, kami ‘yung mean girls, inaapi-api namin si Mane. Isa kami sa pinatay ng undin,” pag-alala pa ng beteranang aktres.
Hindi rin daw niya makakalimutan ang paglabas niya sa dating TV drama anthology na “The Maricel Drama Special” ng nag-iisang Diamond Star.
“Kasi kaeksena ko si Maria, siyempre intimidated na intimidated ako sa kanya. Nakakatuwa doon di ba usually kapag darating ka sa set magre-reading muna sa iyo ang AD (assitant director) di ba?
“Para itse-check nila kung alam mo ang lines, kung marunong kang umarte, parang ‘yun na ang audition mo.
“So nu’ng ginawa namin ‘yung lines, reporter ako roon, ‘yun ang role ko ini-interview ko siya. Nu’ng ginawa ko ang lines okay ang ganda, ang linis, pulido.
“Tapos nu’ng dumating na si Ms. Maria on set, tapos action na wala na nadapa-dapa na ang lines ko. Ang pangit, nakakahiya. Mabuti na lang at mabait siya, hindi naman niya ako pinagalitan or anything patient naman siya,” chika pa ni Dolly.
Itinuturing naman niyang isa sa mga biggest achievements noong nagsisimula pa lamang siya ang pagiging kontrabida sa Kapamilya series na “Precious Hearts Romances: Pintada” na umere noong 2012.
“Parang feeling ko ‘wow breakthrough ko na ito’ kasi kontrabida. Kapag kontrabida ka parang big deal ‘yon, eh. Ang kaeksena ko roon si Denise Laurel,” aniya pa.
Never din daw niyang naisip na talikuran o layasan ang showbiz kahit na maliliit na role lamang ang ginagampanan niya.
“Kasi tanggap ko na ganu’n ang destiny ko as an actor. Para sa akin for as long as kinukuha ako para magtrabaho, hindi na importante ang role na gagampanan ko. Basta may trabaho, go ako.
“Saka ‘di ko iniisip ‘yon na walang linya. Para sa akin hindi naman ‘yon problema, para sa akin okay nga ‘yon at least nagtatrabaho pa rin at ‘yun naman ang importante,” aniya pa na kinilala sa iba’t ibang award giving bodies here and abroad para sa pelikulang “Triangle of Sadness.”
Si Dolly ang kasama ng Box-office Queen na si Kathryn Bernardo sa pelikulang “A Very Good Girl” na showing na sa mga sinehan sa September 27.
Rabiya sa ‘kabit’ issue: Yun ‘yung pinakamasakit, kahit naghirap kami never ko ‘yon ginawa
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.