‘CIA with BA’ nagbabala sa pet owners: ‘Kapag nag-alaga ka ng kahit anong klaseng hayop, responsibilidad mo ‘yun’
“KAPAG nag-alaga ka ng kahit anong klaseng animal or pet, responsibilidad mo ‘yon!”
Iyan ang binitiwang mga salita ni Sen. Alan Peter Cayetano nang talakayin ng public service program na “CIA with BA” ang mga responsibilidad ng mga nag-aalaga ng hayop—lalo na ng mga aso—sa huli nitong episode.
Sa segment na “Payong Kapatid” nitong Linggo, August 27, isang nagngangalang Josefina Macaranas Esteban ang dumulog sa magkapatid na Sen. Alan Peter at Sen. Pia Cayetano matapos siyang makagat ng aso ng kanyang kapitbahay na si Sheena noong nakaraang buwan.
Ayon kay Josefina, nu’ng una ay pumayag ang may-ari ng aso na sagutin ang kanyang mga bayarin sa pagpapagamot, kasama na ang anti-rabies vaccine, na umabot sa halagang P15,000. Pero di kalaunan, sinabi ni Sheena na hindi niya ito kayang bayaran kaya naman hiniling ni Josefina na sagutin na lamang kahit kalahati.
Sa kabutihang palad, siya ay dumulog sa mga tamang tao dahil si Sen. Pia ang naglathala ng Anti-Rabies Act noong taong 2007.
“Nu’ng ginawa po natin ‘tong batas na ‘to, siyempre conscious po tayo at that time na we are one of five countries in the world na meron pang rabies,” pagbabahagi ni Pia.
“Sabi nga, ‘dog is a man’s best friend,’ so ang purpose natin is how do we create an environment na itong best friend daw ng tao ay hindi naman nakakasakit sa iba,” aniya pa.
Baka Bet Mo: Paolo Gumabao feeling lucky nang mapasama sa Darna: Pero napakalaking responsibilidad din sa akin
Mayroong bahagi ang nasabing batas na iniisa-isa ang mga responsibilidad ng pet owners at kabilang rito ay “to be sure that the dog is not allowed to roam around the street or any public place without a leash.”
“So the fact na, sa harap man ng bahay niya pero sabi mo nasa sidewalk na at wala siyang tali, ‘yon ay violation na,” sabi ni Pia.
“Tapos the law goes on to say na ang isang tao, kung ang aso niya ay makakagat sa…katulad mo, siya talaga magbabayad ng medical expenses nu’n. Clear din ang batas natin diyan, kumpleto ’tong batas na ‘to, I’m very proud of it.
“Kasi sa batas na ‘to, ‘pag ayaw mong bayaran, may multa ka pang P25,000,” pagpapaliwanag niya. “So technically may plus 25k pa siya (Sheena) na utang.”
Para naman kay Sen. Alan, “Pwede ka talagang mag-claim ng danyos kapag may ginawa sa ’yo na nakasakit. Ang maganda dito (sa batas) may amount na tapos may dahilan na.
“And by the way, iba ‘yung ayaw magbayad sa hindi kaya kasi basta’t may properties ka, kahit na wala kang cash… ibang-iba ‘yon kapag walang-wala ka talagang ibibigay, ‘yung zero ka talaga,” diin pa niya.
“The law is on your side,” sabi pa ni Pia habang sinisiguro kay Josefina na may abogado na tutulong sa kanya.
Ang “CIA with BA” ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Sen. Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador.
Si Sen. Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang “Compañero y Compañera” noong 1997 hanggang 2001.
Huwag palagpasin ang “CIA with BA” kasama sina Alan, Pia, at award-winning TV host na si Boy Abunda tuwing Linggo ng gabi, 11:30 sa GMA.
Dimples Romana ibang klaseng magpalaki ng mga anak: I have zero expectations of my children
Maine Mendoza sa ‘Eat Bulaga’ contestant: Huwag nating ipasa sa bata ang responsibilidad
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.