Darryl Yap sa Pepsi Paloma movie: Wala akong sinabing si Vic
PALABAN at nanindigan ang controversial filmmaker na si Darryl Yap na walang malisya at pailalim na motibo ang pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Muling sinagot ni Direk Darryl ang pagsasampa ng TV host-actor na si Vic Sotto ng kasong cyberlibel laban sa kanya dahil sa pinag-uusapang teaser ng bago niyang pelikula na tatalakay sa buhay ng yumaong sexy star na si Pepsi Paloma.
Kahapon, January 9, kinasuhan ni Bossing Vic si Darryl ng 19 counts of cyberlibel sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) dahil sa lantarang pagbanggit sa pangalan niya bilang “nang-rape” umano kay Pepsi Paloma.
Kasunod nito, kinatigan ng Muntinlupa RTC Branch 205 ang pag-isyu ng Writ of Habeas Data upang ipatigil ang pagpo-post at pagse-share ng teaser video ng naturang pelikula.
Baka Bet Mo: Darryl Yap sa mga epal: Ginawa ko ang Pepsi Paloma para talaga sa inyo!
Ayon kay Direk Darryl, sasagutin nila agad ang reklamo ng TV host at komedyante kapag natanggap na nila ang kautusan ng korte.
“Lahat po ng materyal na aking inilabas o ilalabas ay nakadokumento, hindi ko po gawa-gawa para makapanira.”
View this post on Instagram
“Wala pong personalan, naglalahad lamang po ako ng nangyari sa nakaraan na makikita sa mga nailathala noong 1980s. Naisapubliko naman po iyon,” pahayag ng direktor ng “Maid In Malacañang.”
Patuloy pa niya, “Maluwag po sa aking kalooban tanggaping ang isinampang kaso ni Vic Sotto.
“Malaya naman po ang kahit na sino magsampa ng kaso gaya po ng naisampang rape case noon ni Pepsi Paloma laban sa kanya na siya pong natatanging laman ng teaser.
“Nasa caption din po ng post na inurong ang kaso. Hindi po tayo nagkulang,” sabi pa ng matapang na direktor.
Dagdag pa niyang paliwanag, “Wala po akong sinabing si Vic Sotto ang pinatutungkulan ng title ng pelikula — sila lang po ang nagsabi nyan. Mahalagang mapanood muna nila ang buong pelikula.”
Sa panayam ng media kay Bossing hinggil sa isinampa niyang kaso, sinabi rin niya na wala itong personalan kundi nais lamang niyang managot ang mga taong nasa likod ng paninirang-puri laban sa kanya.
“Marami pong nagtatanong kung anong reaction ko noong lumabas itong issue. Ako’y nanahimik. Wala naman akong sinasagot. to na po yun. Ito na po yung reaction ko.
“Sabi ko nga eh, ito’y walang personalan ito. I just trust in the justice system. Ako’y laban sa mga irresponsableng tao lalo na pag dating sa social media,” pahayag ni Bossing.
May tumawag at nakipag-usap ba sa kanya tungkol sa pelikula? “Wala. Walang kumonsulta, walang nagpaalam, walang consent.”
Patuloy pa niya, “Lahat ng pamilya ko, kaibigan ko full support sa akin. Kahit ano mang aksyon ko. Sabi nga nila, kung plano mo ulit, they will be in full support.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.