Nadine Samonte sinabihan ng doktor na hindi na pwedeng magka-baby: ‘Sabi ko, kapag binigyan ako ni Lord ng mga anak, lahat gagawin ko para sa kanila’
HALOS gumuho ang mundo ng Kapuso actress na si Nadine Samonte nang sabihan siya ng doktor na sa edad niyang 27 ay hindi na siya pwedeng magkaanak.
Inalala ni Nadine ang mga makadurog-pusong eksenang ito sa kanyang buhay pati na ang iba pang pagsubok na kinaharap niya bilang nanay, kabilang na riyan ang muntikang paglaglag ng isa niyang anak.
“Kasi sinabihan ako ng doctor na I can’t have kids noong 2013, 2014 hanggang 2015 na I cannot. I should consider surrogate,” simulang pagbabahagi ng aktres sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda” sa GMA 7.
“So, sabi ko noon, ‘Wow I’m just 27 years old then sasabihan ka na hindi ka puwede magkaanak.’ That time sabi ko, ‘Kapag binigyan ako ni Lord ng mga anak, lahat gagawin ko para sa kanila. Kahit na itigil ko ‘yung trabaho ko, gusto ko silang palakihin talaga.’ And that’s what I did,” sey pa ng celebrity mom.
View this post on Instagram
Inamin niya na hindi talaga naging madali ang kanyang pagbubuntis, “It’s very difficult, it’s very, very difficult. Lahat, everyday, injections, umaga, gabi, bed rest, diet, everything.
“Everyday nandoon ‘yung kaba na ‘Is the baby still okay? May heartbeat pa ba?’ ‘Yung ganu’n,” aniya pa.
Sey ng aktres, lumabas agad ang panganay niyang si Heather Sloane sa ika-34 linggo niyang pagbubuntis habang ang anak naman niyang lalaki na si Titus, ay muntik nang lumabas sa ika-28 linggo pa lamang niyang pagdadalang-tao.
“Sabi ng doktor, ‘Hindi. Hindi siya puwedeng lumabas kasi kapag lumabas siya mahihirapan na tayo. Baka hindi siya maka-survive,’” ang sabi raw ng kanyang doktor.
Itinuturing daw nila ng kanyang asawang si Richard Chua na isang himala ang pagbubuntis niya kay Titus, “With God’s grace and everything, nakaabot kami ng 35 weeks.”
Ngunit ang pinaka-challenging daw para sa kanya ay nang ipagbuntis na niya ang ikatlong anak na si Harmony, “Ang pinakamahirap for me is my third. Noong first trimester ko, malalaglag na siya.
Baka Bet Mo: Piolo nanawagan sa madlang pipol: Hindi pwedeng pumikit na lang at umasang pagdilat natin, nagbago na ang mundo
“I was bleeding so hard, sobra. As in akala ko mawawala na siya and that’s COVID days pa. Ang hirap kumilos and all. Ang lakas ko lang talaga kay Lord. Naka-survive siya.
“Pero paglabas niya ng 37th week, ang daming complications. Na-incubator siya, hindi siya makahinga. Bagsak ang blood sugar. One week kami sa hospital,” pagbabahagi pa ng celebrity mommy.
View this post on Instagram
Aniya pa sa lahat ng pinagdaanan bilang nanay, “I’m super blessed. Thank you for my kids. ‘Yun lang. Lahat gagawin ko for them. Sobra kasi ‘yun ‘yung turning point ko, nu’ng sinabi sa akin ng doktor na, ‘You can’t have kids.’”
Dagdag pa ng aktres, “So, parang sabi ko kay Richard noon, ‘Paano? Are we still gonna be a family?’ ‘Di ba, ‘yung feeling na parang may kulang. Sige, nandiyan siya as my husband. Nandiyan kami. Kaya naman siguro kung walang kids.
“Pero parang iku-question mo ‘yung sarili mo, ‘Bakit ako of all people? Bakit hindi ako puwede magkaroon ng anak?’” sey ni Nadine kasunod ang pag-amin na naisip na rin niya ang surrogacy.
“Hanggang to the point na sabi ko sa mom ko na, ‘Sige, Ma, puwede bang ‘yung sister ko na lang ang mag-surrogate for me?’” ani Nadine.
Pero payo raw sa kanya ng ina, “Sabi ng mama ko, ‘Ano ka ba? Tumigil ka. Dumire-diretso ka lang sa ginagawa mo and kung talagang ibibigay sa ‘yo ng Diyos ‘yan, ibibigay ‘yan sa ‘yo. At ibinigay. God is very, very good,” pagbabahagi ng Kapuso star.
Samantala, makalipas ang 10 taon, magbabalik-telebisyon na rin si Nadine at aminadong super na-miss niya ang pag-arte sa harap ng mga camera.
Makakasama siya sa upcoming series ng GMA 7 na “The Missing Husband” na pagbibidahan nina Yasmien Kurdi, Rocco Nacino, Sophie Albert, Max Eigenmann, Joross Gamboa at marami pang iba.
Ito’y sa direksyon ni Mark Reyes at mapapanood na sa GMA Afternoon Prime simula sa August 28.
Nadine Samonte, pamilya tagumpay sa paglaban sa COVID-19: Grabe ang nangyari sa amin!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.