Cristine ayaw nang pinag-uusapan ang relasyon nila ni Marco; dream come true ang pagtatambal nila ni Empoy sa ‘Kidnap For Romance’
SA kabila ng patuloy na pagpo-post nina Cristine Reyes at Marco Gumabao ng kanilang sweet moments together sa social media, tipid na tipid pa rin ang aktres sa pagbabahagi ng detalye tungkol sa kanilang relasyon.
Ayon sa sisteraka ni Ara Mina, mas gusto kasi nila ni Marco na huwag na munang ibahagi sa publiko kung anumang meron sila ngayon para iwas tsismis at intriga na rin.
Sey ni Cristine, nais nila ng kanyang hunk actor-boyfriend na gawing “lowkey” lamang ang kanilang relationship dahil pareho nga silang public figure na palaging nahuhusgahan ng mga tao.
“I’m very happy right now. It’s something fresh. But I want it somehow to keep it low. Mas maganda yung chill lang.
View this post on Instagram
“Ayoko na ‘yung masyadong pinag-uusapan. Of course, we all know about it pero hanggang du’n na lang muna siguro,” ang pahayag ni Cristine sa presscon ng bago niyang pelikula under Viva Films, ang “Kidnap For Romance” kung saan makakatambal niya si Empoy.
Sa isang panayam, sinabi naman ni Marco na, “Ayoko munang magsabi ng mga label-label na ganyan. For me, labels put a lot of pressure on your relationship. Basta ako, kaming dalawa, happy kami.”
Samantala, dream come true para kay Cristine ang makagawa ng isang comedy film kasama ang napakagaling na komedyante na si Empoy Marquez.
Sey ni Cristine about her leading man, “Yung buong pagkatao niya nakakatawa na, organic siya para sa akin. Actually, matagal na kaming magkakilala pero ngayon lang kami magtatambal sa movie kaya super exciting.”
Ang “Kidnap for Romance” ay mula sa direksyon ni Victor Villanueva na siya ring gumawa ng “Patay na si Hesus” at “Boy Bastos” at mapapanood na sa mga sinehan sa September 6.
Paglalarawan naman ni Empoy kay Cristine bilang komedyana, “Slapstick ‘to sa totoong buhay, eh. Pero I feel much better kapag ganoon. Sa sobrang saya niya akala niya everyday birthday niya, minsan matutulak ka niya, at doon ka matatawa sa tawa niya.
“At ang mga kilos niya sa lahat…may kasama kang anak na makulit ganoon siya,” chika ni Empoy.
Nang hingan ng payo ang aktor bilang siya ang magaling sa comedy at si Cristine naman ay veteran na sa drama, “Huwag siyang manood ng mga comedy o huwag siyang manood ng mga nakakatawa, kasi ang buong pagkatao niya ay nakakatawa na.
“Organic siya para sa akin, kasi hindi niya kailangang gumaya sa iba, mayroon siyang sariling portray, style,” aniya pa.
Kasama rin nina Cristine at Empoy sa “Kidnap for Romance” sina Boboy Garovillo, Yayo Aguila, Jeric Raval, Nikko Natividad, Debbie Garcia, Archi Adamos, TJ Valderrama, Kyo Quijano, Tyro Daylusan at Marnie Lapus.
Ito ang ika-20 taon ni Cristine sa showbiz at mapapanood nga siyang muli sa isang romantic comedy makalipas ang limang taon. Ngayon, may action pa na kasama dahil gumaganap siya bilang isang stuntwoman sa movie nila ni Empoy.
View this post on Instagram
Sa kuwento, gaganap si Cristine as Elena, na tinatawag ding “Ganda.” Mga holdaper ang kanyang Tatay Mando (Archi) at kapatid na si Jayjay (Nikko) at kasalukuyang nakakulong. Nangangailangan sila ng malaking pera para sa pagkajaospital ng kanyang Nanay Rosing (Yayo) kaya mapipilitang pumasok si Elena sa isang sindikato.
Si Empoy naman ay si Godofredo Tan, “Fred” for short. Half-Chinese at nag-iisang apo ni Henry Tan (Boboy), isa sa pinakamayaman sa Pilipinas. Gusto ni Lolo Henry na mag-asawa na si Fred at gawin itong tagapagmana. Pero takot sa commitment si Fred.
Ang ninong ni Elena na si Arturo (Jeric) ang pinuno ng sindikato at nag-utos kay Elena na kidnapin si Fred para sa ransom. Nagtagumpay naman si Elena na kidnapin si Fred pero para hindi mahabol ng mga pulis, nagtago sila sa villa na pag-aari nina Fred.
Sa gita ng away nina Elena at Fred, saktong darating si Lolo Henry at makikita sila sa hindi kanais-nais na posisyon. Agad iuutos ng matanda na ikasal ang dalawa.
Naka-jackpot na ba si Elena dahil sa yaman ng pamilya nina Fred? Yan ang alamin sa kuwento ng “Kidnap for Romance” na mapapanood na sa mga sinehan sa Setyembre 6.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.