9 tips para makatipid ng tubig sa panahon ng tag-init
BUKOD sa heat stress, heatstroke at iba pang sakit ngayong panahon ng tag-init ay malaking hamon din sa maraming Pilipino ang kawalan ng suplay ng tubig.
Lalo na sa ilang lugar sa Metro Manila na madalas makaranas ng “water interruptions” dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig ng mga dam na siyang pinagkukunan ng water concessionaires na Maynilad at Manila Water.
Upang maiwasan kahit papaano ang problemang ito, ibinahagi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang ilang praktikal na paraan ng pagtitipid ng tubig na maaaring gawin ng bawat isa.
Narito ang tubig tipid tips ng ahensya upang maiwasan ang potensyal na krisis sa suplay ng tubig:
-
Gumamit ng isang baso ng tubig kapag nagtu-toothbrush. Makakatulong ito sa wastong paggamit ng tubig para hindi maiwanang nakabukas ang gripo habang nagsisipilyo.
-
Maligo ng hanggang limang minuto lamang. Sa panahon ng tag-init, ang pagligo ay isa sa mga pangunahing aktibidad na gumagamit ng maraming tubig. Limitahan ang tagal ng pagligo upang makatipid sa tubig.
-
Gumamit ng palanggana sa paghuhugas ng pinggan. Sa halip na hayaang nakabukas ang gripo, mas responsable kapag gumamit ng palanggana.
-
Magdilig ng halaman sa umaga o sa gabi. Kapag mainit ang panahon, ang tubig ay mabilis na natutuyo kaya mas mainam na gawin ang pagdidilig ng umaga habang hindi tirik ang araw.
-
Gumamit ng balde ng tubig at basahan sa paglilinis ng sasakyan o bisikleta. Sa halip na gumamit ng hose o sprinkler, mas epektibong paraan ng pagtitipid ng tubig ang paggamit ng balde.
-
Suriin ang mga tulo sa mga tubo at poso negro. Regular na suriin at paayosin ang mga tulo upang maiwasan ang pag-aaksaya ng tubig.
-
Huwag mag-flush ng toilet para sa mga maliliit na basura. Kung maaari, itapon na lamang ang mga maliliit na basura sa tamang basurahan upang hindi maaksaya ang tubig sa pagfa-flush.
-
Gamitin lamang ang washing machine kapag puno na ito. Ito ay hindi lamang makakatulong sa pagtitipid ng tubig, kundi maaari rin bumaba ang singil sa kuryente.
-
Mag-ipon ng tubig ulan at gamitin para sa pagdidilig ng halaman o paglilinis ng sasakyan. Ito ay isang simpleng hakbang na maaaring gawin upang siguradong hindi nauubos ang suplay ng tubig.
Mahalagang isapuso ang pagtitipid ng tubig upang matiyak na mayroon pang sapat na suplay ng tubig sa ating pamayanan hindi lang sa kasalukuyan, kundi pati na rin sa mga susunod na araw, buwan o taon.
Sa pamamagitan ng mga simpleng paraan tulad ng mga nabanggit, malaki ang magagawang kontribusyon ng bawat isa sa atin upang hindi maaksaya ang isa sa pinakamahalagang likas na yaman ng ating kalikasan, ang tubig.
Read more:
Knows n’yo na ba kung paano maiiwasan ang ‘heatstroke’ lalo na ngayong tag-init?
Tag-init na panahon nagsimula na, inaasahang tatagal hanggang May –PAGASA
Mga besh, knows n’yo na ba ang tungkol sa ‘Sim Card Registration Act’?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.