Aljon Mendoza ipinahahawak ang kamay kay Jayda Avanzado: ‘Napi-feel ko kasi ‘yung energy, nare-recharge ako’
NAG-EFFORT talaga si Aljon Mendoza na makilala nang husto ang leading lady niya sa “Teen Clash” na si Jayda Avanzado, anak nina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado.
“Nu’ng nalaman po namin na magkakaroon kami ng project together, talagang kinilala namin ang isa’t isa. We started texting each other.
“Inaalam ko ‘yung hobbies niya, kung paano namin tingnan ang mga bagay,” chika niya sa presscon ng “Teen Clash”.
“Maraming effort ang ginagawa namin para mag-work itong project. Before mag-taping, ang dami naming goals na gusto naming magawa. Sobrang collaborative kasi every time may scene kami, tinuturuan niya talaga ako,” dagdag pa niyang kuwento.
Inamin ng young actor na physical ang kanyang language of love, “Halimbawa, may scene na madaling araw tapos lowbatt ako, papahawak lang ako sa kamay niya.
“Ako kasi, ang love language ko is physical. Every time may hahawak sa kamay ko, napi-feel ko ‘yung energy. Parang nare-recharge ako,” pag-amin niya.
View this post on Instagram
Sa kanyang getting-to-know-each-other stage kay Jayda ay napag-usapan din nila ang kanilang strengths and weaknesses.
“Every time mayroon din siyang kailangang tulong sa scene, mino-motivate ko rin siya. Na-appreciate ko ‘yun sa kanya kasi willing siya to work with me.
“‘Yung trust pa lang, debut acting niya ito, tapos launching project niya, pinagkakatiwalaan niya ako. Sobrang thankful ako,” say ng actor.
Ang “Teen Clash” ay isang adaptation ng patok na Wattpad story ni Ilyn Anne Danganan na tungkol sa komplikadong buhay ng mga teenager na gustong maabot ang mga pangarap nila sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal para sa musika sa kabila ng kani-kanilang mga kalokohan sa buhay.
Mapapanood sa serye si Jayda bilang si Zoe, isang dalagang nangangarap maging kilalang musician kahit na nasangkot siya sa kontrobersyal na eskandalo noon.
Sa kanyang kagustuhang mag-move-on mula sa kahihiyan at patunayan ang kanyang sarili, magiging target niya ang pagsali sa music jam competition ng kanyang eskwelahan.
Dito niya makikilala ang naggagwapuhang songwriter na si Ice (Aljon). Si Ice ang tutulong kay Zoe na mahasa ang kanyang talento sa musika at maaari ring mauwi sa pag-iibigan ang unti-unti nilang pagiging malapit.
Magiging kalaban naman ni Ice sa puso ni Zoe si Jude (Markus), ang dating singing partner ni Zoe na ngayon ay isang sikat na heartthrob at singer na.
Sa pagpasok ni Zoe sa kolehiyo, magkakaroon siya ng mga bagong kaibigan at bandmates na sina Yannie (Bianca de Vera), isang dalagang hirap na hirap magmove-on sa ex niyang si Xander (Zach Castañeda); Ayumi (Gail Banawis), ang matalinong nakikipagkompetensya kay Ken (Ralph Malibunas) para sa top honors; ang kaibigan niyang maiipit sa love triangle na si Sab (Fana); at si Mandy (Andrea Abaya), ang ‘campus darling’ na crush ng bayan.
Nasa barkada naman ni Ice sina Xander, ang ‘certified playboy;’ Ken, ang matalinong drummer boy; si Josh (Kobie Brown) na patay na patay kay Mandy; at si Lloyd (Luke Alford), ang best friend at co-worker ni Ice.
Paano magkakasundo sina Zoe, Ice, Jude, at ang kanilang mga barkada kapag hinarap na nila ang mga totoong isyu tungkol sa pag–ibig, ambisyon, at pagkakaibigan?
Ang “Teen Clash” ay idinirek ni Gino Santos at ipinrodyus ng iWantTFC at Black Sheep. Mapapanood ito nang libre sa Pilipinas simula Marso 17 sa iWantTFC app (iOs at Android) o website (iwanttfc.com). May bagong episode na ipapalabas kada Biyernes ng 8 p.m. (Manila time).
Karina Bautista GF material para kay Aljon Mendoza: Pero sa ngayon walang ligawang nangyayari
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.