Cristy Fermin: 'Anong utang na loob ang dapat kong tanawin sa ‘yo? Magbilangan tayo Willie Revillame!' | Bandera

Cristy Fermin: ‘Anong utang na loob ang dapat kong tanawin sa ‘yo? Magbilangan tayo Willie Revillame!’

Reggee Bonoan |February 08,2023
facebook
share this

Cristy Fermin: ‘Anong utang na loob ang dapat kong tanawin sa ‘yo? Magbilangan tayo Willie Revillame!’

Reggee Bonoan - February 08, 2023 - 06:27 PM

Cristy Fermin: 'Anong utang na loob ang dapat kong tanawin sa ‘yo? Magbilangan tayo Willie Revillame!'

Willie Revillame at Cristy Fermin

INALMAHAN talaga ni Nanay Cristy Fermin ang ginawang panunumbat sa kanya ni Willie Revillame sa programa nitong “Wowowin” na napapanood sa ALLTV Channel 2.

Hindi ito pinalampas ng matapang at walang inuurungang radio at online host kaya sa radio program nila ni Romel Chika na “Cristy Ferminute” ngayong araw ay naglabas siya ng saloobin laban kay Willie.

Tulad ng sinulat namin dito sa BANDERA ngayong araw ay talagang bumuga rin ang bibig ni Nanay Cristy dahil katwiran nga niya kung tutulong ka sa kapwa ay hindi mo ito dapat isinusumbat at mas lalo pa siyang napika nang madawit pati ang mga reporter na ipinagtatanggol siya kapag may nasusuungang kontrobersiya.

“Dapat kasi pinapanood muna at huwag maging pigsa na malayo pa ang karayom ay pumuputak, hindi tama ‘yun. Hindi tama ‘yun, maling-mali! Anuman ang nagawa natin sa ating kapwa, huwag nating isinusumbat, huwag nating isinusudsod dahil ang paniniwala ko, ang tumutulong sa ating kapwa kapag tayo ay nagpapautang sa Diyos.

“Hindi ko naging ugali kailanman na ang magbigay ng tulong ay isusumbat ko pagdating ng panahon.

“At inuulit ko Willie Revillame hindi kita sisiraan dito kung ‘yun ang iniisip mo para mapatunayan ko sa ‘yo kung ano ang tunay na pakahulugan ang salitang pagmamahal at pagmamalasakit,” aniya pa.

Pinasalamatan ni ‘Nay Cristy ang taong nagpadala ng video kay Willie ng February 6 at 7 dahil napanood na nito ang kabuuan.

“Kung hindi dahil doon, siguro galit na galit pa rin siya hanggang ngayon. Ako’y nagpakatotoo lamang po, ako’y magiging sinungaling sa publiko kung sasabihin kong hindi mayabang si Willie Revillame.

“Ako’y nanay-nanayan, siya’y anak-anakan alam ko po ang hilat ng bawa’t ugali ng taong malapit sa akin.

“Pero hindi ko po sinabi na mayabang si Willie dahil ipinagmamalaki niya na binayaran niya ng cash ‘yung dalawang chopper niya, binili niya ‘yung eroplano niya, ‘yung yate niya, ‘yung mga mansyon niya.

“Hindi ko po ‘yun sinabi dahil hindi naman niya talaga ‘yun ipinagmamalaki. Hindi natin ‘yun maaasahan sa kanya.

“Mayabang siya sa porma, sa pananalita na kapag may bago siyang papasukin na anumang paghamon, excited na excited siya, ‘yun ‘yun!

“Kaya kung hindi mo napanood nang buo, kung hindi mo nasaksihan ang resibo, ‘wag kang nagsasalita, diyan ka lagi naiipit.  Dapat pinanonood mo nang buo para nalalaman mo kung may malasakit ba ‘yung nagsalita o wala. ‘Yun lang ‘yun!” pahayag ng CFM host.

Nabanggit din kasi ni Willie na wala raw utang na loob ang mga natulungan niya kaya hindi rin ito pinalampas ni ‘Nay Cristy.

“Anong utang na loob ang dapat kong tanawin sa ‘yo? Magbilangan tayo Willie Revillame!” hamon ni Nanay Cristy sa “Wowowin” host.

Dagdag pa, “Masakit sabihin, masakit marinig nagkatulungan tayong dalawa. Hindi ka dapat tumanaw ng utang na loob sa akin at wala rin akong dapat tanawing utang na loob sa ‘yo dahil kusang-loob kitang minahal bilang anak-anakan, kusang-loob kitang tinulungan at ikaw din naman binigyan kita ng tiwala na hindi ko inaasahan.

“Nagkatulungan tayo, hindi tayo dapat magsumbatan.

“At ang mga reporters na tinulungan mo nu’ng pandemya, ako ang nag-ukil-ukil sa ‘yo na kailangan silang tulungan dahil mahirap ang buhay.  Hindi mo dapat isumbat sa kanila ‘yun at sila ang mga working press na kapag nalalagay ka sa alanganin (ay) siya mo ring tinatakbuhan.  Hindi ako papayag na ang aking hanay ay mamaliitin ng kahit sino. Kaya Willie Revillame, mag-isip ka muna!” mariing sabi pa ng TV at radio host.

Ang tingin namin sa mga detalyadong kuwentong ito ni ‘Nay Cristy tungkol kay Willie ay bugso ng damdamin ng ina na kinagalitan ang anak dahil sa maling desisyong ginawa sa buhay.

Sa tingin namin ay maraming pinag-usapan pa sina Nay Cristy at Willie na hindi na lang ibinalita pa ng una sa “Cristy Ferminute” dahil ang sabi raw ng huli, “bago mo ibaba ang telepono, sabihin mo lang na mahal mo pa rin ako.”

At ang sagot ni Nanay, “Hindi na kailangang sabihin at ikaw ang nakakaalam na ako ang klase ng taong hindi nang-iiwan sa gitna ng laban. Iiwanan kita ngayon?  Pilantod ka ngayon kailangan mo ng saklay. Iiwanan kita ngayon, tuliro ang utak mo, kailangan mo ng kausap.

“Iiwanan ba kita sa gitna ng pangyayaring ito na hindi mo alam magsasarado na pala ang pintuan ng kalangitan sa ‘yo? Wala ka pang kaalam-alam? Paano nalaman ng iba? Hindi kita iiwanan sa gitna ng laban, alam mo ‘yan!” mariing sabi ni Nay Cristy.

Ang dagdag kuwento pa ay sa panahong mag-isa sa buhay noon si Willie na nagkaroon ng matinding mga problema ay si Nanay Cristy ang kanyang karamay. Kaya maraming nagulat sa mga pahayag ni Willie sa “Wowowin” kahapon.

Balik-alaala ni Nanay sa sinabi ng kanyang anak-anakan, “Sabi mo nga kanina, ‘Nay hiwalay ako sa asawa ko, ikaw lang ang katuwang ko. Ikaw lang ang dumamay sa akin. Nawalan ako ng trabaho sa ABS (CBN), ikaw lang din ang tumulong sa akin. Ikaw sa lahat ng laban ko ang kasama ko.

“Ang tao Willie na kasama mo sa lahat ng laban ay minamahal, nire-respeto, tinatawan ng utang na loob.

“Hindi ako nagpapatanaw ng utang na loob sa ‘yo. Anuman ang ginawa ko sa sarili kong desisyon, anuman ang ibinigay kong tulong na sa puso ko nanggaling hindi ko pinagsisihan.

“Mahal kita bilang anak-anakan hindi ko na kailangang sabihing mahal pa rin kita at ang sabi mong huli, ‘mamaya sa Wowowin magsasalita ako, hihingi ako ng tawad sa ‘yo. Aabangan ko ‘yan Willie Revillame!”

Maganda ang paglatag o pagkakatawid ni ‘Nay Cristy ng saloobin niya kay Willie at sabi nga namin ay bugso ito ng damdamin ng isang ina na kinagagalitan ang anak sa maling hakbang na ginawa.

Case closed!

Cristy niresbakan si Willie, isasauli ang pinaghirapang condo: Bago ka magsalita mag-isip ka muna! Pero kung gusto mo ng giyera nakahanda ako!

Willie Revillame pinatutsadahan si Ogie Diaz matapos punahin ang ‘technical problem’ sa launching ng ALLTV?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Vhong isa sa mga artistang natulungan ni Willie; lamang-loob ng manok ang handa sa birthday

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending