Coco nagpapatayo na ng dream house para sa sariling pamilya; palaging naaalala si Susan Roces kapag napapadaan sa Quiapo
READY na si Coco Martin anytime na magkaroon ng sariling pamilya, sa katunayan ipinatatayo na niya ang dream house na titirhan nila ng kanyang magiging asawa at mga anak.
Sabi ng premyadong aktor, maayos na ang buhay ng kanyang pamilya kaya ito na ang tamang panahon para harapin naman niya ang kanyang sarili at ang kinabukasan ng kanyang magiging asawa’t mga anak.
Walang binanggit si Coco kung sino ang tinutukoy niyang partner in life pero alam na ng lahat na si Julia Montes ang nagpapaligaya sa kanya ngayon at ang napapabalitang anak nila.
“Oo naman, dati pa (ready nang lumagay sa tahimik). Sabi ko naman sa sarili ko, mas private lang ako.
“Sabi ko nga, may mga bagay na ito naman ‘yung dahilan kung bakit ka nagpapakahirap, kung bakit ka araw-araw gumigising para paghandaan ang future mo,” ani Coco nang makachikahan ng ilang members ng showbiz press sa presscon ng bago niyang endorsement, ang RiteMed.
View this post on Instagram
Ipinagdiinan niya na hangga’t maaari ay ilalayo muna niya sa publiko ang personal niyang buhay para sa ikatatahimik ng lahat.
“‘Yun ang pinakamahirap makuha lalo na ngayon, lahat tayo may social media. ‘Yun na ‘yung reward ko sa sarili ko, sa family ko. Napapanatili kong protektado sila.
“Sabi ko nga, hindi ako perpektong tao. Ang sakit kapag may naririnig kang hindi maganda sa ‘yo. Mas masakit kapag may naririnig kang hindi maganda sa pamilya mo.
“Hangga’t maaari, bakit ko hahayaan na masaktan ako or pamilya ko? Kaya mas gusto ko na tahimik na lang. Hindi naman magiging kabawasan yun eh,” sabi ng aktor.
Kuwento pa ng Kapamilya Teleserye King, sa nabili rin niyang malawak na lupain sa Quezon City ipinagagawa ang bahay ng kanyang pamilya.
“Doon din sa binili kong lupa. Doon ko rin ipinagpatayo ng bahay ang mga kapatid ko at ang lola ko na siyang kasama ko sa bahay ko,” chika ng aktor.
Nabanggit din ng award-winning actor na kapag nagkapamilya na siya ay hindi niya ipamimigay o ibebenta ang bahay na tinitirhan nila ngayon ng lola niya.
“Sentimental ho kasi akong tao. Halimbawa may ibinigay sa akin, tulad ng big bike na galing kay Miss Dawn (Zulueta). Hanggang ngayon ang ganda pa rin, alagang-alaga pa rin. Ayaw ko kasing ipagalaw sa iba kasi galing sa kanya,” sey ng aktor.
Samantala, opisyal na ngang ipinakilala ng RiteMed ang kanilang bagong brand ambassador sa pamamagitan ng pinakabagong TV commercial.
Malugod at buong pusong tinanggap ni Coco ang hamon na ipagpatuloy ang adbokasiya ng tinaguriang Queen of Philippine Movies na si Susan Roces na bigyang kapangyarihan ang masa sa pagpili ng dekalidad ngunit abot kayang mga gamot.
Pumanaw si Ms. Roces noong May, 2022 at mula noon, nagsagawa na ng mahaba at masusing proseso ng pagpili ang nasabing brand para mahanap ang “the rite one” na papalit sa yumaong aktres.
Si Coco, na naging bayani ng masa dahil sa kanyang papel sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” na marahil ay isa sa pinakamatagal na soap opera sa kasaysayan ng Philippine TV, ang lumabas bilang hands-down choice.
Iminungkahi pa ng actor-director ang paggamit ng mga lumang taglines ni Ms. Susan para ipagpatuloy ang paghihikayat sa mga tao na gamitin ang kanilang karapatang magtanong.
“Una, para hindi tayo magkamali. Pangalawa ang mga Filipino po ay likas na mahiyain, tinuturuan tayo na may alternatibo. ‘Pag naiisip natin na ‘mahal yan’, itinuturo sa atin na may alternatibo na mas mura.
“Maraming, maraming salamat po sa pagtitiwala. Napakalaking obligasyon po itong ipinasa po sa akin,” ani Coco sa kanyang speech sa naganap na mediacon.
“Naikuwento ko nga po na kapag dumadaan ako sa Quiapo at ‘pag nakikita ko ‘yung overpass doon, ang laki-laki ng billboard ni Tita Susan. Pumasok sa isip ko, ‘sino kaya ngayon ang papalit kay Tita Susan?’
“Kasi iba po talaga. Alam na alam ko po kung anong klaseng tao si Tita Susan. Hindi po siya basta-basta nagtitiwala sa mga produkto na hindi niya pa nasusubukan dahil ayaw niyang masira ang kanyang pangalan,” dagdag niya.
Sabi naman ni Atty. Jose Maria Ochave, presidente ng naturang brand ng gamot, “Labing isang taon na ang nakararaan nang makuha namin bilang brand ambassador si Ms. Susan and it was one of the best decisions that we’ve made.
“Hindi lang siya naging mukha at boses kung hindi co-creator pa ng aming brand,” aniya.
Ayon naman sa General Manager ng ineendorsong brand ni Coco na si Vince Guerrero, “Hindi lang nauunawaan ni Coco kung hindi siya rin ang sumasalamin sa mga gusto at pangarap ng masang Filipino.
“Kaya naman malaki ang respeto at paniniwala ng tao sa kanya sa pagsusulong ng kung ano ang tama,” ani Guerrero.
Susan Roces pumanaw na sa edad 80, buong showbiz industry nagluluksa
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.