Paalala ni Susan kay Coco: Hindi importante ang pagsasalita ng Ingles, ang mahalaga ay marunong kang humarap sa tao na may dignidad | Bandera

Paalala ni Susan kay Coco: Hindi importante ang pagsasalita ng Ingles, ang mahalaga ay marunong kang humarap sa tao na may dignidad

Ervin Santiago - May 23, 2022 - 04:50 PM

Coco Martin at Susan Roces

HINDI napigilan ng Kapamilya Teleserye King na si Coco Martin ang maluha nang alalahanin ang mga huling sandali kasama ang yumaong Queen of Philippine Movies na si Susan Roces.

Nagbigay-pugay ang award-winning actor sa beteranang aktres na sumakabilang-buhay nga nitong nagdaang Biyernes sa edad na 80.

Halos pitong taon ding nagsama sina Coco at Susan sa seryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” kung saan gumaganap sila bilang maglola — sina Cardo Dalisay at Lola Flora.

Nagsalita si Coco kagabi sa Facebook live ni Sen. Grace Poe-Llamanzares, nag-iisang anak nina Susan Roces at Fernando Poe, Jr., at inamin nga niya na hanggang ngayon ay shocked pa rin siya sa nangyari.

“Honestly, hindi ko po talaga alam kung ano ang sasabihin ko ngayon. Talagang shock ang nararamdaman ko kasi hindi ako makapaniwala na mangyayari ito dahil alalang-alala ko ang pagkikita namin ni Tita Sue na ang lakas-lakas niya, ang saya-saya niya.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by Coco Martin PH (@cocomartin_ph)


“Siya ang nagbibigay sa amin ng inspirasyon para ipagpatuloy namin ang ‘Probinsyano’ dahil lagi niyang sinasabi na nakakapagbigay kami ng ligaya at inspirasyon sa bawat Filipino,” simulang pahayag ng aktor.

Patuloy pa niya, “Ang akala ko, ang isa sa pinakamasakit na mararamdaman ko sa industriyang ito ay noong namatay si Tito Eddie (Garcia).

“Para kaming napilayan kasi nga lolo namin ‘yon. Parang hindi namin akalain na habang ongoing ‘Ang Probinsyano’ kahit hindi na namin siya kasama noong mga oras na ‘yon ay masakit para sa amin.

“Kasi sobra namin siyang inalagaan, sobra naming bina-value kung ano ang na-contribute niya sa industriya. And then ngayon, hindi ko akalain na ang isa sa mga pinaka-espesyal at malapit na malapit sa buhay ko lagpas sa trabahong ito ay mangyayari ang bagay na ito,” emosyonal na pagkukuwento.

“Kasi si Tita Susan hindi ko siya katrabaho, hindi katrabaho lang ang tingin ko sa kanya. Malalim ang pagtingin, pagmamahalan at respeto namin sa bawat isa.

“Kaya lahat po ng mga sinasabi niya ay dinidibdib namin. Kasi para po sa amin na mga katrabaho niya at ako bilang apo niya sa industriya sa lahat ng mga aktor na kasama ko, directors, sa lahat ng crew and staff ‘yung words of wisdom na sinasabi niya po sa amin ay totoong tumatatak sa puso at isip naming lahat.

“Dahil napakapalad po namin na nakatrabaho po namin siya. Kasi alam niya lahat eh, pinagdaanan niya na yan,” aniya pa.

Taong 2012 nang unang magsama sa isang serye sina Susan at Coco, ito ay sa “Walang Hanggan,”  “Nu’ng nakatrabaho ko na po si Tita Susan sa ‘Walang Hanggan’ dahan-dahan pong naging komportable ang loob ko sa kanya.

“Kasi hindi po niya pinaramdam sa amin na siya ang Queen of Philippine Movies, na siya ang asawa ng Hari ng Pelikulang Pilipino. Ang ipinaramdam niya po sa amin ay isang pamilya at lola po naming lahat,” mensahe pa ng aktor.

Patuloy pa niya, “Kasi nakikita niya na hindi ako kumportable bilang isang artista kasi sinasabi ko, kapag nakakakita na ako ng medyo sosyalan, kapag nakikita ko na medyo nag-i-Inglisan na para akong natsotsope.

“Kasi nga po alam naman ng lahat ‘yon na hindi ako marunong mag-Ingles. Kaya sabi sa akin ng aking lola, hindi importanteng pag-i-Ingles at hindi ‘yan ang magiging batayan para respetuhin ka ng tao. Ang importante ay marunong kang humarap sa tao na may dignidad.

“Ang importante ay totoo ang sinasabi mo at nasa puso mo. Ang mas mahirap ay hindi ka marunong mag-Tagalog at nasa Pilipinas ka, hindi ka magkakapera. At naniniwala po ako roon, kaya mula noong sobrang naging tight kami,” lahad pa niya.

Ito naman ang naging huling mensahe ni Coco para kay Susan Roces, “‘La kung nasan ka man po ngayon, gusto ko pong malaman na lahat kami na nandito ay sobra-sobrang mahal ka po namin at hinding-hindi ka po namin makakalimutan habang-buhay. I love you.”

https://bandera.inquirer.net/313858/susan-roces-pumanaw-na-buong-showbiz-industry-nagluluksa

https://bandera.inquirer.net/313872/judy-ann-santos-john-prats-bela-padilla-bong-revilla-nagluluksa-sa-pagkawala-ni-susan-roces

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

https://bandera.inquirer.net/313918/lovi-poe-nagpaabot-ng-pakikiramay-sa-pagkamatay-ni-susan-roces

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending