PAGASA: Walang bagyo sa mga susunod na araw, LPA at amihan magpapaulan sa bansa
BAGAMAT wala pang bagyo na nakakaapekto sa bansa ay nagpapaulan naman sa bansa ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) at northeast monsoon o hanging amihan sa ilang lugar.
Ayon sa press briefing ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong January 23, mababa ang tsansa ng LPA na maging bagyo.
“Meron tayong binabantayan na Low Pressure Area na huling namataan 495 kilometers east southeast o silangan timog-silangan ng Davao City dito nga sa may bahagi ng Mindanao,” sey ni Weather Specialist Obet Badrina sa presscon.
Aniya, “Sa ngayon ho, base sa huling datos ay maliit pa rin ang tsansa na ito ay maging bagyo. Mas nakikita din po na ito ay malusaw.”
Inaasahang magdadala ng ulan ang buntot ng LPA sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sabi ni Badrina, “Gayunpaman, nakikita ho natin na magiging maulan pa rin. Magdadala pa rin ng pag-ulan partikular na ‘yung trough o extension nito sa bahagi ng Mindanao partikular na nga sa northern Mindanao, CARAGA, Davao at kasama na rin ‘yung bahagi ng kabisayaan.
“So ‘yung Visayas at ilang bahagi ng Mindanao, magiging maulap at may malaking tsansa na pag-ulan ngayong araw.”
Nagdudulot din ng ulan ang hanging amihan at patuloy nitong naaapektuhan ang bahagi ng Luzon.
“Samantala, northeast monsoon o amihan pa rin ang nakakaapekto dito sa may bahagi ng Luzon at inaasahan pa rin natin ang mahinang pag-ulan sa may silangang bahagi ng Luzon, habang sa kamaynilaan at sa mga karatig na lalawigan ay aasahan pa rin natin ang maaliwalas na panahon maliban na lamang sa mga isolated na light rains o pulo-pulong mahihinang pag-ulan,” ayon sa weather specialist.
Tiniyak ng PAGASA na wala pang bagyo na aasahan sa mga susunod na araw.
“Sa ngayon ho, wala pa tayong mino-monitor na Low Pressure Area, posible ho na in the next couple of days maliit pa rin ‘yung tsansa na magkaroon tayo ng bagyo,” ayon sa PAGASA.
Read more:
PAGASA: LPA inaasahang papasok sa bansa, patuloy na nagpapaulan
LPA sa Mindanao posibleng maging bagyo, ‘gale warning’ nakataas sa malaking bahagi ng bansa
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.