Marc Pingris naging kargador at tindero sa palengke; unang sweldo sa PBA ipinambili ng bahay para sa nanay
NAGING kargador sa palengke, naglako ng ice buko at nagtinda rin ng kandila ang dating PBA player na si Marc Pingris noong kabataan niya.
Never ikinahiya ng retiradong professional basketball player ang naging buhay niya noon kasama ang kanyang inang si Erlinda Prado. Aminado rin si Marc na isa siyang certified mama’s boy.
“Proud to say na mama’s boy talaga ako. Talagang siya, kahit mga 10 years old na ako, 12, siya pa talaga ang katabi ko,” pag-alala ng misis ni Danica Sotto sa “Surprise Guest with Pia Arcangel” podcast nitong nagdaang October 26.
Kuwento ni Marc, natuto na siyang magtrabaho sa murang edad para matulungan ang ina sa mga gastusin sa kanilang bahay. Ito’y matapos nga silang mahiwalay sa kanilang amang Pranses na si Jean Marc Pingris, Sr. na nadestino sa Morocco.
“Back to zero ‘yung mother ko kaya sa edad kong 10, talagang batang palengke na ‘ko. Naging kargador na rin ako, mga ganoon. Nagtitinda lang ako ng ice buko dati, nagtitinda ako ng kandila, sweepstakes.
“At least, ‘di ko naman kinakahiya ‘yung mga ganoon dahil ang sarap sa feeling na balikan kung saan ako galing kaya sobrang proud talaga ako sa mommy ko,” pagbabalik-tanaw ng tinaguriang Pinoy Sakuragi ng PBA.
Tandang-tanda rin ni Marc ang naging reaksyon ng kanyang nanay nang regaluhan niya ito ng house and lot. Ang unang sahod niya sa PBA ang ipinambayad niya sa bahay.
“Kaya ‘yung first salary ko sa PBA dati, pagka-sign ko pa lang, kumuha talaga ako ng advance tapos malapit na kasi birthday ng mother ko no’ng time na ‘yon, e, ‘yun talaga ‘yung regalo ko sa kanya na house and lot.
“First salary ko talaga ‘yun pero wala pang kagamit-gamit ‘yung bahay. Sabi ko sa kanya, ‘Ma, may pupuntahan tayong birthday party ng kaibigan ko. ‘Sama ka sa akin kasi gusto ka makilala.’
“And then, sumama siya and the pagdating namin doon, sabi niya, wala namang tao dito baka ibang bahay ‘to. Tapos, no’ng iaabot ko na sa kanya ‘yung susi, umiyak na ‘ko. Sabi ko, ‘Happy birthday, ma, para sa ‘yo ‘to,” lahad ni Marc.
Talaga raw nagkaiyakan pa silang mag-ina habang nililibot ang bahay, “Sabi ko, ‘Ma, bukas na bukas, bibili tayo ng kama. Pupunta tayo sa mall, sabihin mo ‘yung mga gusto mo, ibibigay ko sa ‘yo kasi para sa akin kulang pa ‘yon sa sakripisyo na ginawa n’ya sa ‘ming tatlo magkakapatid.
“Binuhay niya kami kaya lagi kong sinasabi dati sa Gilas na ‘puso’. Sa kanya ko nakita ‘yon,” aniya pa.
“Kitang-kita ko ‘yun mula pagkabata ko hanggang nu’ng nag-try out ako sa Manila, so kahit pagpunta ko ng Manila, umiyak siya dahil wala siyang perang maibigay sa akin na. ‘Ma, it’s okay’ kako, kaya ko naman ang sarili ko eh. So para sa kaniya ‘yun deserved niya talaga ‘yun,” pagbabahagi ni Marc.
Naikuwento rin ni Marc ang mga challenges na hinarap niya noon, “Sobrang hirap ng buhay ko dito sa Manila dati. Sobrang hirap talaga na na-try ko pa kumain nang panis na kanin.
“Ang pangako ko lang talaga sa buhay ko dati nu’ng kinakain ko yung panis na kanin nu’n, sabi ko, ‘balang araw makakakain ako ng masarap.’
“Habang umiiyak ako, hindi ko nginunguya ‘yung kanin na ‘yun kasi panis na siya. Nilulunok ko na lang tapos sabay iniinuman ko ng tubig. Sabi ko balang araw pina-promise ko, kakain talaga ako ng masarap.
“’Yun talaga yung nagpursigi sa akin na ipagpatuloy ang pangarap ko. Saka lagi kong iniisip kasi yung mother ko that time na balang araw gusto ko siyang bigyan ng magandang kinabukasan,” pagbabalik-tanaw pa ni Marc.
Marc Pingris nag-retire na sa PBA: #PinoySakuragi15 signing off…
Danica, Marc ibinandera ang sikreto sa 14 years na pagsasama bilang mag-asawa: Bawal magbanta…
Marc Pingris inamin ang tunay na dahilan ng pagreretiro sa PBA; Danica, anak napaiyak
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.