Marc Pingris inamin ang tunay na dahilan ng pagreretiro sa PBA; Danica, anak napaiyak
BAKIT nga ba nagdesisyon si Marc Pingris na magretiro na sa professional basketball makalipas ang 16 taon?
Paliwanag ng tinaguriang “Pinoy Sakuragi” ng Philippine Basketball Association (PBA), may mga mas mahahalahang bagay silang kailangan gawin at tutukan ng asawang si Danica Sotto lalo pa’t patuloy pa rin ang banta ng pandemya.
“Actually kasi may kailangan din kaming tutukan ni Danica, e, and also gusto ko ring bigyan ng opportunity ‘yung mas bata sa akin para mag-start ng journey nila sa PBA.
“Napagdaanan ko ‘yun before kaya alam ko rin ‘yung pakiramdam kaya talagang kinausap ko rin si Coach,” paliwanag ni Marc sa panayam ng Unang Hirit kamakalawa.
Sabi naman ni Danica, “We started our farm business na kasi and kung hindi lang din kasi nag-pandemic, PBA games won’t be pushed back. On time siya sana.
“Magagawa pa sana ‘yung mga kailangan gawin before mag-start. Na-push back na rin ‘yung business how many times mag-open. ‘Yun ‘yung sinasabi ni Marc na he had to think long-term,” aniya pa.
Kuwento pa ng hindi na aktibong TV host-actress, nabanggit na rin daw ni Marc sa kanya dalawang taon na ang nakararaan ang tungkol sa plano nitong pagreretiro pero ngayon lang daw talaga ito nakapagdesisyon.
“Sinasabi niya na, actually, the past two years nababanggit niya na kasi parang even before sinasabi niya na I will retire at this age. Kasi si Marc sobra siyang planner.
“Dapat by this time may ganito na ako, may ganyan na ako. I just thought that he would have like one last hurrah or one last run itong year.
“’Tapos, when he got back from the province, ‘yon nagulat ako parang, alam ko pag-iisipan na niya, pero ‘di ko inakala na ganu’n kabilis. Sabi niya pag-uwi niya, ‘Okay na ako,’” lahad ni Danica.
Talagang umiyak daw si Danica nang malaman ang naging desisyon ng asawa. Sabi ni Marc, “Nasasabi ko na naman kay Danica but I think nabigla kita dahil nu’ng umuwi ako from Pangasinan, nasabi ko na kina coach pero hindi mo pa alam. So, umiyak siya.”
Natanong din si Marc sa nasabing panayam kung ano ang naging reaksyon ng mga anak nilang sina Anielle Micaela at Jean Michel sa pagre-retire ng PBA player.
“’Yung daughter namin para siyang ano, ‘I thought I can still watch daddy’. Although alam naman niya na bawal because of the pandemic. Pero parang gusto niya lang mapanood sa TV,” pahayag ni Danica.
“Si Mic since siya ‘yung into basketball, he’s 12, siya ‘yung medyo nagdamdam talaga. Naiiyak siya na, ‘I really want to see you pa one more time,’” dagdag pang pahayag ng celebrity mom.
Sa kanyang Instagram account idinaan ng 6-foot-4 power forward ang kanyang pamamaalam sa PBA, “I remember my name being called during the 2004 PBA Draft. Doon nagsimulang matupad ang pangarap ng isang batang palengke.
“16 years na din ako sa PBA pero alam ko na ngayon na din ang tamamg panahon para umpisahan ang bagong chapter ng buhay ko,” bahagi ng IG post ni Marc Pingris.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.