Marc Pingris nag-retire na sa PBA: #PinoySakuragi15 signing off…
PAGKATAPOS ng 16 taon, magre-retire na ang asawa ni Danica Sotto na si Marc Pingris sa pagiging professional basketball player.
Inihayag ng PBA (Philippines Basketball Association) player sa pamamagitan ng social media ang desisyon niyang iwan na ang kanyang career sa pagba-basketball para harapin ang bagong yugto sa kanyang buhay.
Isang mahabang mensahe ang ipinost niya sa Instagram with matching video clip pa ng ilang mahahalagang yugto sa paglalaro niya sa PBA nitong nagdaang 16 na taon.
“I remember my name being called during the 2004 PBA Draft. Doon nagsimulang matupad ang pangarap ng isang batang palengke,” simulang pagbabahagi ng 6-foot-4 power forward na kilala rin sa tawag na “Pinoy Sakuragi”, ang bidang character sa anime series na “Slamdunk.”
Pagpapatuloy pa niya, “16 years na din ako sa PBA pero alam ko na ngayon na din ang tamang panahon para umpisahan ang bagong chapter ng buhay ko.
“I want to thank everyone na naniwala at sumuporta sakin, sa MAMA ko na inspiration ko, sa ATE & KUYA ko na nagdisiplina sakin, at lahat ng relatives ko,” mensahe pa ni Marc.
Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga taong sumuporta at nagtiwala sa kanya mula pa noong magsimula siya sa PBA kabilang na riyan ang kanyang mga kapwa player at mga coach na nakatrabaho niya.
Special mention din niya si coach Tim Cone, na naging katuwang din nila sa B-Meg at San Mig Coffee team para makamit ang multiple championships kabilang na ang napakailap na grand slam.
“COACH TIM, it’s because of you that I grew to understand the sport as more than a game. Thank you for giving me the opportunity to become part of history with our 2014 grandslam. I am proud to have played the game we both love with you.
“Thank you tito ED PONCEJA na tumayong pangalawang ama ko. Salamat sa mga payo. GILAS family, thank you!
“PBA FANS, salamat sa suporta nyo. Hindi mabubuo ang PBA kung wala kayo. Mamimiss ko ang games, ang mga sigaw nyo, lalo na sa Manila Clasico!!! To all MEDIA, thank you sa pagbuhos ng oras para mahatid ang balitang PBA.
“Sa TROPANG PINGRIS, Mahal ko kayo! To MIC & CAELA, I love you! Everything I do is for you. To my SOTTO family, I love you all! To DADDY VIC and MOMMY D, salamat sa supporta , pagmamahal at pagtanggap sakin. To Papi and Mamita, my PINGRIS fam. Thank you for your love and support,” aniya pa.
At siyempre, hindi rin niya nakalimutang banggitin ang pinamamahal na asawa, “To my wife, Danica, thank you for your love. Thank you for all the sacrifices you made for me & our family. Thank you for staying beside me, for pushing me to work harder & never give up. I love you!
“Higit sa lahat, Salamat Lord God sa pag gabay at sa lahat ng blessings. It has been a glorious 16 years, #pinoysakuragi15signingoff,” ang bahagi pa ng pamamaalam ni Marc Pingris.
Ilan sa mga hindi malilimutang bahagi ng basketball career ni Marc ay ang paglalaro niya sa siyam na championships, dalawang Finals MVP, tatlong Defensive Player of the Year award, 15 All-Star appearances, and a spot on the PBA’s 40 Greatest Players of all time.
Naging miyembro rin siya ng national team sa ilang international competitions kabilang na ang paglalaro para sa Gilas Pilipinas team sa 2013 FIBA Asia Championship na ginanap dito sa Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.