Misteryosong busina ng barko sa Cebu City sanhi nga ba ng pagkamatay ng ilang residente? | Bandera

Misteryosong busina ng barko sa Cebu City sanhi nga ba ng pagkamatay ng ilang residente?

Ervin Santiago |October 09,2022
facebook
share this

Misteryosong busina ng barko sa Cebu City sanhi nga ba ng pagkamatay ng ilang residente?

Ervin Santiago - October 09, 2022 - 11:08 AM

Misteryosong busina ng barko sa Cebu may ‘sumpa’? (Photo from KMJS YouTube)

TOTOO nga bang may dalang sumpa ang misteryosong busina ng barko na umaalingawngaw sa isang barangay sa Cebu City?

Ang paniwala ng mga residente sa Barangay Kalusanan, Cebu City, ang nasabing busina ng barko ang dahilan ng pagkamatay ng ilan sa kanilang mga kababayan nitong mga nakaraang buwan.

Ayon sa salaysay ng mga tagaroon, kapag narinig na raw nila ang busina ng misteryosong barko ay siguradong may mamamatay umano sa kanilang lugar.

Tulad na lamang ng nangyari sa pamilya ni Mang Jose Rojo noong September 11, 2022. Base sa report ng “Kapuso Mo Jessica Soho” nitong October 2, bigla na lamang daw nilang narinig ang busina ng barko habang magkakasama sila sa bahay.

At kinabukasan nga, bigla na lang daw nakaramdam ng kakaiba ang kanyang anak na si Paul. Nagkasakit daw ito nang malubha hanggang sa mamatay.

Halos ganito rin ang nangyari sa pamilya ni Rosemelinda dela Calzada nang marinig nila ng kanyang asawa ang busina ng barko.

Paglalahad ni Rosemelinda, “Sabi ko sa asawa ko, ‘Narinig mo ba yun?’ Sabi niya, ‘Oo.’ Kinabukasan, inatake ang asawa ko, on the spot, patay!”

Isa pang residente sa nasabing barangay na nagngangalang Jocelyn, ang nakarinig sa tatlong magkakasunod na busina ng misteryosong barko.

Aniya, naka-confine noon sa ospital ang anak na si Michael at makalipas lang daw ang 30 minuto mula nang marinig ang busina ng barko, namatay daw ang kanyang anak.

Ayon pa sa ulat ng “KMJS”, sama-samang nagdarasal ang mga taga-Barangay Kalusanan tuwing sasapit ang alas-3 ng madaling-araw upang matigil na ang pagkakasakit at pagkamatay ng kanilang mga kababayan

Sa pangunguna ni Alma Tanudtanud, talagang ginigising niya ang kanyang mga kapitbahay bitbit ang kanilang mga kandila at ang imahen ng Immaculate Conception, para mag-alay ng dasal para labanan at kontrahin ang sumpa ng misteryosong tunog.

Sa tulong naman ng paranormal researcher na si Ed Caluag, napag-alaman ang posibleng dahilan ng  misteryo sa nasabing lugar.

Ayon kay Ed, may isang elemento na naninirahan sa may sapa na aniya’y isang babae na, “Medyo upset ang itsura. Nagalit sila, maaari, sa mga dating nakatira dito kaya kumukuha sila ng buhay.”

Pero mariin niyang sinabi na wala siyang maramdamang misteryosong barko kung saan nanggagaling umano ang “killer busina.”

Kasunod nito, nagsagawa ng isang ritwal ang paranormal expert kasama ang ilang tagaroon. Aniya, sana’y matahimik na ang elemento sa lugar. Pinayuhan din niya ang mga residente na palaging linisin ang kanilang sapa.

Samantala, inimbestigahan din ng “KMJS” kasama ang ilang eksperto kung saan ba talaga nanggagaling ang misteryosong busina. Mula pala ito sa isang pantalan na  matatagpuan 10 kilometro mula sa Bgy. Kalunasan.

Ang umaalingawngaw palang tunog ay galing sa mga sound signal ng barko roon. Sabi ng mga eksperto, posibleng nagkakataon lamang ang pagtunog ng sound signal ng barko sa pagkakasakit at pagkamatay sa naturang barangay.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

https://bandera.inquirer.net/312769/celeste-cortesi-naniniwalang-hindi-tatablan-sa-sumpa-ng-korona-we-just-laugh-about-it

https://bandera.inquirer.net/303014/katrina-nagsalita-na-tungkol-sa-misteryosong-sakit-nanigas-daw-ang-leeg-sobrang-nilamig https://bandera.inquirer.net/312421/football-player-super-proud-bf-kay-miss-universe-ph-2022-celeste-cortesi-mawasak-na-kaya-ang-sumpa-ng-korona https://bandera.inquirer.net/285492/globe-libreng-tawag-charging-at-wifi-nakahanda-na-para-sa%e2%80%8b-mga-apektado-ni-dante

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending