‘Walang masama kung lumipat man si Zephanie sa GMA, kailangan niyang magtrabaho para sa pamilya’
HANGGANG saan at hanggang kailan ang loyalty ng isang artist sa network kung saan siya nadiskubre?
Ito ang laging tanong ng netizens sa mga personalidad na lumilipat ng TV network at tuluyang iniiwan ang istasyon kung saan sila nakilala.
Viral ngayon ang matalinhagang pahayag ni Vice Ganda nang hingan siya ng reaksyon bago manalo si Khimo Gumatay sa “Idol Philippines” season 2 nitong Linggo.
Ang sabi ni Vice, “Sa bagong hihiranging grand Idol winner, sana maraming magbukas na opportunities sa ‘yo. Sana mag-stay ka muna dito sa network na ‘to.”
Kaswal ang pagkakasabi ni Vice, pero may diin dahil obviously ang pinarurunggitan niya ay ang “Idol Philippines” season 1 grand winner na si Zephanie Dimaranan na nasa GMA 7 na ngayon.
Taong 2019 nang manalo ang dalagang taga Biñan, Laguna pero bago naman siya nagkaroon ng titulo ay sumali muna siya sa “The Voice Kids Season 2” noong 2016 at “Tawag ng Tanghalan” season 2 taong 2018 na parehong hindi pinalad manalo.
Kaya naman pinagbuti talaga niya ang bawat performance sa “Idol Philippines” hanggang sa manalo. Kasunod nito, kaagad siyang ni-launch bilang regular performer sa “ASAP Natin ‘To” at napasama sa female group na JEZ na binubuo nina Janine Berdin at Elha NYmpha.
Naging abala si Zephanie sa kaliwa’t kanang shows sa ABS-CBN at na-feature pa ang buhay niya sa “Maalaala Mo Kaya” (Contest) noong Setyembre, 2019 na pinagbidahan ni Maris Racal.
Nagkaroon ng first major solo show si Zephanie na ginanap sa New Frontier Theater noong Nobyembre, 2019 kung saan naging guest sina Sarah Geronimo, Elha Nympha, “Idol Philippines” finalists (Lance, Lucas, Dan Miguel), Erik Santos at Regine Velasquez.
View this post on Instagram
Hanggang sa nagkaroon na ng COVID-19 pandemic kung saan maraming nawalan ng trabaho dahil sa total lockdown pero pagkalipas ng ilang buwan ay unti-unting pinayagan na ng Duterte administration na makabalik ang entertainment base na rin sa proposal ng IATF.
Ang management company ni Zephanie na Cornerstone Entertainment ay nag-launch ng kanilang Facebook live streaming para magkaroon ng venue ang kanilang mga artist lalo’t hindi naman lahat ay nabibigyan ng pagkakataong makabalik sa anumang programa ng Kapamilya network na napapanood sa online.
Magkasama sina Zephanie at Kyle sa online music variety show na “CSTV Presents: Artist Lab.”
Pero buwan ng Agosto ay suspendido ulit ang mga aktibidad sa entertainment dahil muling naghigpit ang IATF at inilagay sa Modified Enhance Community Quarantine ang Metro Manila at nakabalik ng Oktubre.
At dahil walang show si Zephanie ay isinama siya sa “Sunday Noontime Live” sa TV5 na produced ng Brightlight Productions at Cornerstone Entertainment Studios.
Parte si Zephanie sa segment na “Ultimate Vocal Showdown” kasama sina Fatima Louise Lagueras a.k.a Fana, Sassa Dagdag, Sam Mangubat at Niel Murillo of BoybandPH.
Sa kasamaang palad ay tatlong buwan lang inabot ang “SNL” dahil simultaneously airing na rin sa Kapatid network ang “ASAP Natin ‘To.”
Marso, 2021 nang makabalik sa “ASAP” stage ang batang mang-aawid pagkalipas ng isang taon at ang grupong JEZ ay napalitan ng New Gen Divas dahil isinama na si Sheena Belarmino.
Pero hindi rin nagtagal si Zephanie dahil Agosto palang ay pinalitan na siya. Ang awiting “Lapit” ni Yeng Constantino ay binigyan ng bagong version bilang theme song ng TV series “Niña Niño,” produced ng Spring Films at Cornerstone Studios na umeere that time sa TV5.
Kabilang si Zephanie sa kumanta ng official soundtrack ng TV series na “Marry Me, Marry You” na “One Day” na orihinal ni Angeline Quinto.
Isa ang dalaga sa pumunta ng Abu Dhabi para dumalo sa bootcamp global pop group training with Joseph Clarke at choreography training with Kyle Hanagami.
Nang makausap namin si Zephanie bago siya lumipat ng GMA 7 ay natanong namin kung ano ang regular shows niya sa Kapamilya network at sinabi niyang walang offer pero naghihintay siya.
Ramdam namin noon ang pangangailangan ng dalaga dahil bukod sa pinag-aaral niya ang kanyang sarili ay malaking parte ng kinikita niya ang itinutulong niya sa pamilya niya.
Buwan ng Hunyo, 2021 nang makausap namin si Zephanie at ilang buwan ang nakalipas nang mabalitaan naming lilipat na siya ng GMA 7 at sakto, Marso 31, 2022 ay pumirma na siya bilang isa sa talent ng Sparkle na co-managed ng Cornerstone Entertainment.
At agad-agad ay isinalang siya sa “All Out Sundays” bilang regular host at singer. Bukod dito ay sa kanya na rin ipinagkatiwala ang pagkanta sa mga series ng Kapuso network tulad ng “Apoy sa Langit” at “Bolera.”
Kaya ang tanong ulit, kapag kumakalam na ba ang sikmura walang karapatang maghanap ng pagkakakitaan? Kung may nagbukas naman ng pinto at welcome papasukin, hindi ba ito iga-grab ni Zephanie?
Ang maganda ay pormal siyang nagpaalam sa mga bosses ng Kapamilya network.
https://bandera.inquirer.net/285052/idol-ph-zephanie-dimaranan-binago-ang-look-umaming-crush-sina-inigo-at-darren
https://bandera.inquirer.net/324386/hugot-ni-vice-ganda-sa-grand-finals-ng-idol-ph-patutsada-ba-kay-zephanie-dimaranan
https://bandera.inquirer.net/280453/idol-ph-champ-zephanie-walang-bonggang-debut-party-pero-nakatanggap-ng-b-day-pasabog
https://bandera.inquirer.net/297458/idol-ph-champion-handa-nang-sumabak-sa-akting-pangarap-makatrabaho-ang-gold-squad
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.