Jane nakaranas ding mag-ulam ng asin, toyo’t mantika at ‘ligaw na manok’: Natulog din kami ni Mama sa gilid-gilid ng MRT
SA sobrang kahirapan noon nina Jane de Leon ay nasubukan ng kanyang pamilya na kumain ng inasinang kanin o kaya’y toyong may mantika.
Pati nga raw ang manok na naligaw sa bakuran nila ay iniluto ng ama para may ulam sila sa araw na iyon. “Kinuha po ng tatay ko, kinatay niya,” sambit ng dalaga.
Ikinagulat ito ni Ogie Diaz na nakapanayam si Jane para sa YouTube channel nito at sabay tanong kung hindi sumakit ang tiyan nila dahil sa nilutong manok na hindi naman nila pag-aari.
“Ginawa po niyang adobo. Ganu’n po kami kadesperadong makakain ng araw na ‘yun. Pero meron din kaming (tanim) na malunggay sa bahay ganu’n.
“Hindi naman po sumakit ang tiyan namin. Hindi rin po namin alam kung saan galing ‘yung manok siguro biyaya na ng Panginoong Diyos ‘yun para makatawid kami sa gutom. Hulog ng langit ganu’n po,” natatawang kuwento ni Jane na ikinatawa rin ni Ogie.
Binalikan ni Jane kung paano niya tinitipid ang konting kinikita niya noong miyembro pa siya ng Girltrend sa “It’s Showtime.”
Aniya, “Hindi alam ng ABS (CBN) ‘to, doon po ako natutulog sa dressing room. Pinagdidikit-dikit na upuan. Doon po ako sa may make-up (napuwesto).”
Sa Laguna sila umuuwi ng mama niya at para makatipid sa pamasahe, “Minsan po tumatambay kami sa convenience store, nagpapatay ng oras, idlip-idlip kami kung saan-saan kahit po sa taas ng MRT sa gilid umidlip po kami ni mama doon,” sabi ng dalaga.
Dagdag pa niya, “Sobra po, iginapang po talaga namin. Nu’ng meron na po akong Halik (teleserye), nakakaipon na po nang konti, si kuya Tyrone (Escalante, manager niya) nakakapagbigay na rin siya sa akin ng mga raket, mga fiesta. Malaking bagay sa mga artista ‘yung ganu’n (sabay pakita ng poster ng show nila ni Joshua Garcia sa Bahrain).
View this post on Instagram
“Nakapag-rent na rin po ako for the first time ng apartment. And kung sino po ‘yung mga taong tumutulong sa amin, ibinabalik po namin kasi alam po namin ‘yung pakiramdam,” pag-alala ni Jane.
Nagsimulang dumanas ng hirap ang pamilya ni Jane noong mga bata pa sila ng kuya niya. Ito yung panahong naloko sa negosyo ang tatay niya dahil sa isang iglap ay nawala sa kanila ang lahat.
“Doo na po nagkaroon ng trust issues (si papa) pati sa mga kaibigan namin, kailangang makuha ang loob ni papa, sobrang strict niya.
“Papa already passed away 6 years ago sayang nga hindi po niya naabutan kung nasaan ako ngayon,” malungkot na kuwento ni Jane.
Sana nga raw naabutan ng ama ang estado niya ngayon at gusto nitong kumuha ng (franchise) ng donut na paborito ng tatay niya.
“Favorite po ni papa ang donut, so kung nabubuhay po siya kahit isang buong branch ng donut (franchise) ibibigay ko sa kanya. Gusto kong ipa-experience sa kanya ang buhay na meron kami ni Mama ngayon.
“Unlike before mama Ogs (tawag kay Ogie), ‘yung hirap talaga namin na wala kaming makain, asin lang po talaga ang (ulam),” maluha-luha nitong kuwento.
Nabanggit ding hindi pabor ang ama na pasukin niya ang showbiz dahil nga puro siya audition noon na wala namang nangyayari at palabas lagi ang pera dahil nauubos sa pamasahe.
Napangkiting sabi ni Jane, “Number one basher ko ang tatay ko, naunahan kayo (bashers) ng tatay ko! Ayaw niyang nag-aartista ako, mga VTR kasi palabas daw lagi ang pera kasi walang bayad daw ang audition. Puro na lang palabas ang pera pamasahe na naman.”
Umaming may trust issues din si Jane, “Sa mga na-encounter kong mga tao lalo na sa showbiz kasi hindi naman lahat ng tao totoo sa ‘yo, eh.
“Kailangan mo na lang maging maingat, just be nice kung ayaw nila sa ‘yo, e, di ayaw nila sa ‘yo! Ang importante naman doon, e, nagpakatotoo ka,” aniya.
Tanong ni Ogie kung pati sa mga artista ay may trust issues din siya at ramdam nitong ayaw sa kanya, “Opo kasi ako po Mama Ogs, mahilig akong mag-observe. ‘Yung instinct mo, ‘yung aura kaya kong basahin ‘yung tao. Pero hindi ko iniiwasan kasi mas gusto kong makita niya kung sino ba talaga ako,” pag-amin nito.
Aminadong nawindang si Jane sa kaliwa’t kanang pamba-bash sa kanya no’ng malamang siya ang magiging bagong Darna, “Bago po sa akin kasi before naman wala naman akong bashers nu’ng simula talagang nag-Darna ako lumaki talaga ‘yung mundo ko.
“Nu’ng una hindi ko alam paano i-handle ang bashers buti na lang nandiyan sina Mama, kuya Tyrone (manager), mga friends ko kino-comfort talaga nila ako.
“At na-realize ko na hangga’t nabubuhay ka may bashers ka. Nagpapasalamat ako na may bashers ako at nagpapasalamat ako na nag-e-effort sila for me.
“May mga lessons po akong natutunan sa kanila kung hindi dahil sa kanila hindi ako magiging better na tao. Hindi ko mas pagbubutihan kaya thank you sa inyo (bashers) mas lalo akong nag-e-effort sa trabaho ko,” sabi ni Jane.
Tanging hiling ni Jane ay, “Sana magbago ‘yung tingin nila sa akin. Ma-appreciate nila ako not just Darna but as a person and as Jane rin.”
Sa tanong kung ano ang maipapayo niya sa mga artista na pinuputakti rin ng bashers, “Hindi ko po puwedeng sabihing ‘wag magpaapekto kasi normal lang naman pong maapektuhan. Mas mag-worry sila kung hindi na sila bina-bash, so ibig sabihin ‘yung mga taong ‘yun wala na silang pakialam.
“Doon sila maapektuhan, doon sila mag-react pero kung kaya nilang iwasang magbasa gawin nila. It’s okay not to be okay,” say ni Jane.
At kapag nakakabasa naman daw ng good comments ay magpasalamat at i-appreciate dahil nakatutulong din ito sa kanilang mga artista to push ang sarili nila para magtrabaho.
“Ang sarap kayang gumising ng ganu’n di ba, na may pumupuri sa ‘yo. At naniniwala ako Mama Ogs na hangga’t may taong nakaka-appreciate sa ‘yo at nakaka-appreciate ng talent mo gawin mong inspirasyon at ibigay moa ng best mo.
“Kaya normal lang na may mang-bash, we cannot please everybody basta at the end of the day ibigay moa ng best mo. Importante tuloy ang buhay natin,” magandang pananaw ni Jane, ang bagong Darna.
https://bandera.inquirer.net/321157/jane-de-leon-umamin-sa-totoo-lang-po-hindi-ko-rin-alam-kung-bakit-ako-ang-napiling-darna
https://bandera.inquirer.net/321453/joshua-umamin-na-sa-tunay-na-relasyon-nila-ni-jane-mabait-siya-maganda-matalino-napakagaan-niyang-kasama
https://bandera.inquirer.net/320988/lumaki-po-ako-sa-hirap-yung-p100-pinagkakasya-po-namin-dati-ni-mama
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.