Sylvia Sanchez napagod na: Kailangan ko talagang magpahinga sa pagharap sa camera, sa pag-iyak…
HINDING-HINDI iiwan ng award-winning Kapamilya actress na si Sylvia Sanchez ang mundo ng showbiz, pero nagdesisyon siyang magpahinga muna sa larangan ng pag-arte.
Ibinalita ni Sylvia na itutuloy na niya ang matagal nang plano na tumigil muna sa paggawa ng teleserye matapos ma-drain sa huli niyang drama series na “Huwag Kang Mangamba”.
Ginampanan niya sa serye ang karakter ni Barang na may sakit sa pag-iisip kung saan umani siya ng mga papuri mula sa mga manonood. Pero inamin ng ni Sylvia na nakakapagod at nakaka-stress ang kanyang role.
Kaya naman naisipan niyang magpahinga muna sa mabibigat na karakter. Pero na-delay nga ito dahil hindi niya matanggihan ang family drama series na “Misis Piggy” dahil makakasama nga niya rito ang anak na si Ria Atayde.
“Kaklaruhin ko lang ‘to, after ko maramdaman yung pagka-drain, grateful ako sa Huwag Kang Mangamba ha, du’n kay Barang. Sobrang ganda ng role pero very tiring lang yun, sobra.
View this post on Instagram
“Habang ginagawa yun pa-ending nagsabi ako na after nito, what’s next na serye? So sabi ko pahinga muna ako sa serye.
“Pero bago ako nagpahinga sa serye natanggap ko na ‘to eh, at in-offer na sa akin. Eh nakaoo ako. Kaya mas nauna ako na magde-decide ako na magpahinga muna sa serye,” paglilinaw ni Ibyang.
At habang naka-rest sa paggawa ng teleserye, magiging busy pa rin siya, but this time ay bilang producer naman, “Magpapahinga ako onscreen as artista pero nasa likod naman ng camera.
“Sabi ko kay Ria, ‘Ria, ikaw na yan. Papahinga na muna ako the whole year.’ Kasi after Greatest Love, Hanggang Saan, Pamilya Ko, sunud-sunod eh, itong Huwag Kang Mangamba, hindi ako nakapagpahinga, eh.
“So sabi niya, ‘Mommy pahinga ka,’ kasi kahit sa bahay nag-iiba ako, eh. Nadadala ko si Barang hanggang ngayon. Kailangan ko talaga magpahinga after this. Pahinga sa pagharap sa camera, sa pag-iyak. Kasi pag artista ka nandu’n lahat ng emosyon, eh,” paliwanag ng premyadong aktres.
Samantala, relate na relate rin si Sylvia sa karakter niya sa “Misis Piggy” bilang single mother na gagawin ang lahat para mabigyan ng magandang buhay ang tatlo niyang anak.
“Nakaka-relate ako kasi yung pagiging hardworking, na sobra gagawin lahat ng klase ng trabaho para maitaguyod yung mga anak ko. Ginawa ko naman talaga sa totoong buhay yun.
“And very close din sa akin ito dahil meron akong Lani which is si Ria sa totoong buhay. Kasi pag wala ako sa bahay, pag artista ako, pag hindi ako nagiging nanay sa bahay may sumasalo na isang Ria which is siya talaga,” kuwento pa ni Ibyang.
At kahit first time niyang makatrabaho ang writer at director ng “Misis Piggy” na si Carlo Catu, wala siyang masamang masasabi tungkol dito.
“First day pa lang, importante kasi sa akin yung collaboration, palaging aktor at director. First day, first time naming nagkita.
“Sinabi ko sa kanya kung hindi niya magustuhan ang take one, i-take two natin, hangga’t gusto mo, hanggang kaya mo. Kasi hindi ka puwede magyabang na ikaw yung artista dito.
“At the same time hindi siya puwede magyabang na siya yung director siya yung masusunod. Collaboration yun para maging okay,” paliwanag pa ni Sylvia.
Napapanood ang “Misis Piggy” sa iWantTFC, kasama rin nina Sylvia at Ria dito sina Ricky Davao, Elijah Canlas, Iana Bernardez, Rubi Rubi, Fino Herrera, Kyle Velino at Nikko Natividad.
https://bandera.inquirer.net/311706/sylvia-puring-puri-sina-ria-elijah-at-iana-hindi-ko-ito-sasabihin-kung-hindi-ito-kasi-ako-ang-mapapahiya
https://bandera.inquirer.net/294710/ria-atayde-nagsalita-na-sa-tunay-na-relasyon-nila-ni-joshua-garcia-im-super-comfortable-with-him
https://bandera.inquirer.net/287390/james-dinedma-ang-akting-para-karirin-ang-pagiging-musikero-i-felt-like-kind-of-robotic
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.