Elizabeth Oropesa handang ipaputol ang dalawang paa, nanindigang hindi bayaran ang mga sumusuporta kay Bongbong
MARIING iginiit ng aktres na si Elizabeth Oropesa na walang mga bayaran sa mga artistang sumusuporta sa UniTeam nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential candidate Sara Duterte-Carpio.
Aniya, ang ginagawa raw niyang pagsuporta sa mga ito ay boluntaryo at kahit kailan ay hindi siya nakatanggap ng bayad mula rito.
“Ipapuputol ko ‘yung dalawa kong paa. Gagapang na lang ako kung binabayaran kaming mga artista kay BBM!” saad ni Oropesa.
Sey niya, tulad raw ng iba pang mga sumusuporta kay Bongbong, ginagawa niya ito dahil isa sa mga pangarap niya ay ang makitang makabalik sa pamahalaan ang mga Marcos.
“Nakita n’yo naman siguro kahit sa mga caravan at saka mga pinupuntahan ni BBM, umiiyak ang mga tao makalapit lang. Wala namang hinihinging kahit ano, ‘yung iba nga nagbibigay pa. Katulad ko, nagbibigay ako, kasi pangarap ko.
“Pangarap ng mga katulad kong loyalista ay ang makitang makaupo ulit ang isang Marcos at si Bongbong yun,” pagpapatuloy ni Oropesa.
Dagdag pa niya, “Kapag nangyari na makaupo sa Malakanyang si BBM, masaya na kaming ipipikit ang aming mga mata. Karamihan sa amin senior citizens na hindi lang halata.”
Nilinaw rin ni Oropesa na hindi niya sinisiraan ang mga kapwa artista na sumusuporta at nangangampanya para kay Vice President Leni Robredo.
View this post on Instagram
Sa katunayan ay natutuwa pa nga siya para sa mga ito dahil lahat raw ng mga sumasamang artista/performers sa people’s rally nina Leni-Kiko ay tumatanggap ng malaking halaga bilang kabayaran.
Sey ni Oropesa, “Natutuwa ako para dun sa mga artistang kinukuha nila kasi sigurado ako may TF yan. Ang ibig sabihin ng TF ay talent fee.
“Eh sa atin (BBM camp) walang TF. Kusa at dumadating talaga ang mga artista na kahit hindi imbitahan, sila pa ang nagtatanong kung paano sumama.”
Pahabol pa ni Oropesa, “Wala kaming inaaway, gusto lang namin ipakita ‘yung pwersa ng napakaraming BBM supporters sa pamamagitan ng pagtitipon na ‘to. Gagawin namin ito kahit wala sa event namin sina BBM at si Inday Sara.”
Taliwas naman ito sa mga nababasa namin online dahil mismong ang mga artista at performers na ang lumalapit at nagbo-volunteer na sumama sa mga campaign rally para lamang ipakita ang kanilang suporta para sa tambalang VP Leni-Kiko.
Ilan sa mga artista at personalities na nanindigang hindi sila nakatanggap ay sina Ogie Diaz, Melai Cantiveros, Moira dela Torre, Krissy Achino, Ate Dick, at marami pang iba.
Related Chika:
Karen sa chikang ineendorso si Bongbong Marcos: I’m not campaigning for any candidate, trabaho po ito
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.