Manlalakbay mula sa 7 bansa sa Africa, bawal nang pumasok sa Pinas | Bandera

Manlalakbay mula sa 7 bansa sa Africa, bawal nang pumasok sa Pinas

Karlos Bautista - November 27, 2021 - 10:07 AM

Mga pinauwing  overseas Filipino workers habang nakapila sa NAIA. (Reuters)

Bawal nang pumasok sa Pilipinas ang mga manlalakbay mula sa pitong bansa sa Africa bunga ng pagkalat ng ngayo’y kinatatakutang mas mabagsik na variant ng Covid-19.

Suspendido na ang inbound flights mula sa South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, spokesperson ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pahayag nitong Biyernes ng gabi.

“Ang kautusang ito ay kagyat na epektibo at mananatili hanggang 15 Disyembre 2021,” wika ni Nograles.

Idineklara na ng World Health Organization ang pagkadiskubre ng bagong variant ng Covid-19, ang B.1.1.529 strain na opisyal na pinangalanang Omicron. Una itong na-detect sa South Africa.

Nangangamba ang mga eksperto na mas mabagsik ang Omicron sa mga naunang kumalat na variants at maaaring hindi na umano umobra ang kasalukuyang vaccine.

Sinabi ni Nograles na inatasan na ang Bureau of Quarantine at mga lokal na pamahalaan para i-trace at i-monitor ang manlalakbay na mula sa mga nabanggit na bansa nitong nakaraang pitong araw.

“Ang mga manlalakbay na ito ay kinakailangang ng 14 na araw na quarantine sa mga pasilidad at kailangang makakuha ng RT-PCR test sa ikapitong araw,” ani Nograles sa wikang Ingles.

Ang mga pasaherong na naglakbay sa mga nabanggit na pitong bansa sa Africa sa loob ng 14 na araw ay hindi na rin pahihintulutang makapasok sa Pilipinas, maliban kung papunta na sila o nakarating na bago ang 12:01 ng umaga ngayong Linggo, Nobyembre 28.

Ang Estados Unidos at European Union ay kapwa nagdeklara na rin ng restriksyon sa mga manlalakbay mula sa mga bansa sa Africa.

Umaabot na sa 59 ang kumpirmadong kaso ng Omicron na naitala sa South Africa, Hong Kong at Botswana. Higit pa sa 30 ang mutation ng bagong variant, dalawang beses ito na mas marami sa Delta variant.

Hanggang nitong Biyernes, umaaabot na sa 2.8 milyon ang kaso ng Covid-19 sa Pilipinas habang mahigit 48,000 na ang namatay.

Mula sa ulat ni Gabriel Pabico Lalu, INQUIRER.net

 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaugnay na Balita:
3 sa bansa sa Africa na nasa Covid ‘red list’, pinapayagan pa ring pumasok sa Pinas
Bagong variant ng Covid-19 sa South Africa, pinangangambahang mas nakakahawa

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending