Bearwin Meily nawalan ng raket sa showbiz mula nang pumayat
ISA sa mga dahilan kung bakit nawalan ng karaketan sa mundo ng showbiz si Bearwin Meily ay dahil sa kanyang pagpayat.
Ayon sa komedyante, unti-unting nawala ang mga offer sa kanya sa mga comedy projects, mapatelebisyon man o pelikula dahil sa pagbabago sa kanyang katawan.
Dito napagtanto ni Bearwin na naging liability sa kanyang showbiz career ang kanyang pagpayat, hindi tulad noong medyo mataba pa siya kung saan kaliwa’t kanan ang natatanggap niyang mga comedy show.
Ito rin daw yung panahong nagdesisyon siyang pasukin ang pagiging sports organizer at motivational speaker.
Sa panayam ng “Tunay Na Buhay” kay Bearwin, sinabi niya na hindi biro ang naranasan niya at patuloy na pinagdaraanang pagsubok ngayong panahon ng pandemya.
Mula noong tumumal na ang pagdating ng trabaho niya sa showbiz ay nag-isip siya na siya ng mga paraan para makaraos ang kanyang pamilya sa pang-araw-araw na buhay.
“Bago pa man mag-pandemic, tinamaan na ako. Bago pa naman mag-pandemic, hindi na ko nabibigyan ng chance sa TV,” ang naging pahayag ni Bearwin sa panayam sa kanya ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz.
Sabi naman niya sa “Tunay Na Buhay”, sa kabila ng pinagdaanang hirap, nabigyan naman siya ng pagkakataon na makapagpundar ng maliit na negosyo.
“We started online September lang. I cook, we prepare, my family, and then I deliver also,” pahayag ni Bearwin na ang tinutukoy ay ang kanilang corn dog business.
Halos two months pa lang ang food stall ng komedyante at talagang hands-on daw siya sa pagpapatakbo nito. In fairness, may extra paandar pa ang negosyo ni Bearwin.
Bawat lalagyan kasi ng pina-pack nilang pagkain ay may nakalagay na joke para raw may dagdag-saya sayang hatid sa kanilang mga customer.
“Nabasa mo ‘yong joke, ‘di ba?” tanong ni Bearwin sa host ng show na si Pia Arcangel. “Actually, that’s the big difference of Corny Doggy sa ibang corn dog sa Pilipinas, and even sa States.”
Samantala, naikuwento rin ni Bearwin kung paano siya na-discover sa showbiz. Knows n’yo ba na dati siyang alalay ni John Estrada? At nang ma-discover na may talento rin pala siya sa pagpapatawa ay agad nga siyang nabigyan ng break.
At ngayong wala na ngang nagbibigay ng trabaho sa kanya sa showbiz, ibinubuhos na lamang niya ang lahat ng kanyang panahon sa naipundar na negosyo.
“Dito ako dinala ng Diyos. If we work, we work. But if we pray, God works. So, everything went smooth,” ang maluha-luhang pahayag ni Bearwin.
Tumakbo rin siya bilang konsehal sa Taytay noon ngunit hindi siya nanalo, “Natalo ko du’n, okay lang. So in short, wala pa kaming maisip na business. Hindi namin mabayaran ‘yung bahay. Kahit ayaw naming ibenta, masakit sa amin, binenta namin. Why? Because we let go and let God.”
“Sinong magsasabi na magla-lockdown? ‘Yun yung, there is winning in losing. Nawalan kami ng bahay pero kaya niya pala inallow ‘yon it’s because para meron kaming pangkain every day.
“Kung hindi naman nabenta ‘yung bahay, na-lockdown kami, wala kaming kakainin,” aniya pa.
Ang puhunan na ginamit nina Bearwin sa pagpapatayo ng food business ay galing din sa napagbentahan ng kanilang dream house.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.