Ivana: Kung may nilabag akong batas, eh di kasuhan na lang nila pero lalaban ako
HANDANG harapin ng sexy actress-vlogger na si Ivana Alawi ang anumang reklamo o kasong isasampa sa kanya matapos magpanggap na pulubi sa isa niyang vlog.
Nakarating na sa dalaga ang balita na may mga bumabatikos sa ginawa niyang video para sa kanyang YouTube channel kung saan nag-disguise siya at kunwari’y namamalimos sa lansangan.
In fairness, maraming natuwa at na-touch sa vlog na iyon ng Kapamilya actress dahil nga sa bawat taong nag-aabot sa kanya ng limos ay tinutumbasan niya ito ng pinansyal na tulong.
Kabilang na nga riyan ang tindero ng puto at kutsinta na si Joselito Martinez na itinuturing na rin ngayon ni Ivana bilang tatay matapos siyang paiyakin nito sa ginawa niyang vlog.
Bilang bahagi ng pagse-celebrate ng dalaga sa pagkamit ng mahigit 12 million subscribers sa YouTube, isinama ni Ivana sa latest vlog niya ang muli nilang pagkikita ni Mang Joselito.
Dito, ibinahagi ng aktres ang pagba-bonding nila ng kutsinta vendor at ang pamimili nila ng appliances at iba pang gamit para sa bahay nina Mang Joselito.
“Right after ko nilabas ‘yung vlog na street prank, nagkita kami after two days. Pina-swab ko siya tapos nakapag-usap, nag-lunch, and I helped out in my own small ways,” pahayag ni Ivana.
Bukod dito, paglabas nila ng restaurant, ibinigay din ng dalaga ang binili niyang brand new motorcycle sa tindero.
“Hindi pa po tapos. Tay, motor niyo po ‘yan. Sa inyo na po ‘yan, Tay. ‘Wag na po kayo magba-bus masyado. Sa inyo na po ‘yan, Tay,” dagdag pa ng sikat na vlogger.
Naiyak muli si Mang Joselito sa harap ni Ivana sabay sabi sa kanyang asawa ng, “May sasakyan na tayo. Maraming-maraming salamat uli sa inyo.”
Samantala, sinagot din ni Ivana ang mga nagbabanta na kakasuhan daw siya dahil sa paglabag niya sa health protocols. Bukod kasi sa ginawa niyang paglabas para gumawa ng street prank sa gitna ng pandemya, ipinagbabawal din ang pamamalimos sa lansangan.
“Kung may nilabag akong batas, eh di kasuhan na lang nila ako. Haharapin ko ‘yun. Lalaban ako, ‘di ba?
“Kasi para sa akin, I didn’t do anything wrong. Ang intention ko was just to help out and to inspire people,” depensa ng dalaga.
Aniya pa, “Wala akong tinapakan na tao, wala akong sinaktan na tao. Masaya ako sa video and I would do it again.
“Hayaan na lang natin. Na-realize ko sa buhay, parang no matter what you do, kung may gagawin kang maganda, kung may gagawin kang hindi maganda, laging may masasabi sila,” pahayag pa ni Ivana Alawi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.