Ang Pardoning Power ng Pangulo | Bandera

Ang Pardoning Power ng Pangulo

Atty. Rudolf Philip B. Jurado |
Ibang Pananaw -
March 11, 2021 - 02:35 PM

Binigyan ng Constitution ang Pangulo ng kapangyarihang magkaloob ng pardon (pagpapatawad). Ang kapangyarihang ito ay mas kakilala sa tawag na Pardoning Power.

Binubura ang nagawang kasalanan at binibigay ng pardon ang kalayaan ng isang taong nahatulan. Ito ang unang layunin ng pardon, ang mapalaya sa kulungan o piitan ang taong pinagkalooban nito. Kasama rin dito ang pagbalik ng lahat ng kanyang civil at political rights. Maaari rin itong ibigay sa taong nahatulan at natapos ng silbihan ang sentensya. Ang layunin nito ay para maibalik ang lahat ng kanyang civil at political rights, gaya ng tumakbo sa halalan para sa public office at iba pa.

Ang tanging limitasyon lang sa kapangyarihang ito ay nakapaloob din sa Constitution. Hindi maaaring pagkalooban ng pardon ang isang impeachable officers, gaya ng vice president, chief justice at associate justices ng Korte Suprema o chairmen at mga commissioners ng Constitutional Commissions, sa kasong impeachment. Kaya kung sakaling mapatunayan na may sala ang chief justice sa isang impeachment case, hindi maaaring bigyan ng pardon ng Pangulo ang nahatulang chief justice. Hindi rin pwedeng pagkalooban ng pardon ang isang taong nahatulan ng paglabag ng election law na walang rekomendasyon ng COMELEC. Tanging mga taong nahatulan o yung may final judgment o conviction lamang din ang maaaring pagkalooban ng pardon. Ang ibig sabihin nito, ang mga taong hindi pa nalilitis ng korte, kasama na ang mga taong nilitis ng korte pero hindi pa nahahatulan, pati na ang mga taong nahatulan na ngunit naka-apela ang kaso ay hindi pupwedeng mabigyan ng pardon, dahil wala pang final conviction o judgment.

Nasa tanging pagpapasiya (discretion) lamang ng Pangulo kung sino ang pagkakalooban nito. Hangga’t hindi ito isa sa pinagbabawal ng Constitution, maski ang Korte Suprema ay hindi pupwedeng makialam sa Pardoning Power ng Pangulo. Walang kapangyarihan ang Korte Suprema na sabihin kung sino ang dapat at hindi dapat bigyan ng pardon. Maaari nyang ipagkaloob ito maski sa pinakamasamang tao na nakakulong sa piitan at walang sinuman ang makakapagpigil dito. Wala rin pwedeng pumilit sa kanya na ipagkaloob ito sa isang tao. Ito ay isang political question na tanging ang Pangulo lamang ang pwedeng magdesisyon.

Ang Pardoning Power ng Pangulo ay hindi rin pwedeng pakialaman ng Kongreso sa pamamagitan ng pagpasa ng batas upang ito ay limitahan. Ang pagsasabatas ng ilang requirements o qualifications para mabigyan ng pardon ang isang tao, pati na ang mga disqualifications, ay maaaring paglabag sa Pardoning Power ng Pangulo. Ang “no parole clause” o “no pardon clause” na makikita sa ilang batas ay labag din sa Constitution dahil ito ay direktang kontra sa Pardoning Power ng Pangulo. Ang kapangyarihan ng Pangulo na magbigay ng pardon ay nagmula sa constitution kaya hindi ito pupwedeng pigilan o limitahan lang ng isang batas.

Ang regulasyon na pinaiiral ng Board of Pardons and Parole (BPP) tungkol sa kung sino ang dapat pagkalooban ng parole o pardon ay isa rin direktang kontra sa Pardoning Power ng Pangulo. Nasa tanging kapangyarihan ng Pangulo kung sino ang pagkakalooban ng pardon. Maski hindi dumaan sa proseso na ipinaiiral ng BPP o wala sa list of recommendation for pardon or parole ng BPP, maaari pa rin itong bigyan ng pardon ng Pangulo. Ang proseso at ang list of recommendation ng BPP ay nagsisilbi lamang gabay ng Pangulo kung sino ang mapagkakalooban ng pardon. Walang obligasyon ang Pangulo na doon lamang mamili kung sino ang pagkakalooban ng pardon.

Dapat bang nakasulat ang pardon na pinagkaloob ng Pangulo? Sa aking pananaw, hindi na kailangan na nakasulat ang pagbibigay ng pardon ng Pangulo dahil ito ay isang paglilimita sa kanyang Pardoning Power. Maaari nyang ipag-utos sa pamamagitan ng salita o ano man uri ng pahiwatig ang paglaya ng isang tao na nasa piitan dahil ito ay pinapatawad at binibigyan nya ng presidential pardon. Pero mas maganda siguro kung ang presidential pardon ay naisulat para wala ng maging usapin o problema pa tungkol dito. Hindi naman kailan sa magandang papel o sa Malacanang letter stationary nakasulat ang pardon. Maaari itong isulat kahit saan, sa papel, kahoy at iba pa. Ang importante ay ang kagustuhan ng Pangulo na patawarin at bigyan ng pardon ang isang tao.

 

 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending