P10-M pabuya sa magbibigay ng impormasyon tungkol kay Quiboloy
BIBIGYAN ng P10 million reward money ang sinumang makapagbibigay na impormasyon para agad maaresto ang founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy.
Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) may mga indibidwal na nag-offer ng pabuya para mas mapadali ang paghahanap sa kinaroroonan ni Quiboloy.
“Gusto ko pong ianunsiyo na meron tayong mga kaibigan na gustong tumulong sa paghahanap sa kanila na nag-offer ng reward na P10 million for any information leading to the arrest of Quiboloy,” ang pahayag ni DILG Secretary Benhur Abalos sa isang presscon.
Bukod dito, tatanggap din ng tig-iisang milyon ang sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon para naman sa pag-aresto sa lima pang kapwa akusado ni Quiboloy na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes.
Nahaharap sa mga kasong child and sexual abuse at human trafficking, si Quiboloy na parehong may nakaambang warrant of arrest at mga non-bailable case. Hanggang ngayon ay nagtatago pa rin sa batas si Quiboloy.
Wanted din siya sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil naman sa mga kasong sex trafficking at labor trafficking.
Baka Bet Mo: Robin Padilla paiimbestigahan ang paglusob ng pulisya kay Quiboloy
Samantala, umalma naman ang kampo ni Quiboloy sa tunay na motibo ng DILG hinggil sa inanunsiyong reward money.
Sabi ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Ferdinand Topacio sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo, “Ito po ang nakakataka sa pabuya na ito, inamin naman na hindi galing sa gobyerno ang pabuya.
“Kung mayroon pong nag-iinteres na arestuhin si Pastor Quiboloy at nagbibigay ng pabuya, bakit?
“Tingnan po nila kung anong interes ng mga taong ito, at baka nagiging subjective, nagiging hindi na pantay, hindi na nagiging impartial ang administration ng justice sapagkat pinapasukan na po ng private interests,” aniya.
“It is so wrong on so many levels. Hindi naman po mahirap intindihin, e. Kapag may pribadong tao na ang nagbibigay niyan, ‘Ay, bakit?’ Naiimpluwensiyahan ang gobyerno ng pribadong indibidwal sa kanilang pagpapatupad ng batas,” dagdag pa ni Topacio.
Bigo ang mga otoridad na mahuli si Quiboloy sa mga isinagawa nilang operasyon nitong Hunyo sa mga properties nito sa Davao City at sa Sarangani Province para i-serve ang kanyang mga standing arrest warrant.
Sa isang panayam sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na alam niya kung nasaan si Quiboloy pero wala siyang balak na sabihin ito sa mga kinauukulan.
“Ayaw siguro ni Pastor mag-surrender, e, magtago ka na lang. Pero kung tanungin mo saan si Pastor, alam ko. Alam ko kung san si Pastor, pero secret,” sabi ni Duterte na malapit na kaibigan ni Quiboloy.
At dahil dito, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na pinag-aaralan na nila kung maaaring sampahan ng kasong obstruction of justice si Duterte.
Binanggit ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang Presidential Decree 1829 na magpaparusa sa “any person who knowingly or willingly obstructs, impedes, frustrates or delays the apprehension and prosecution of suspected criminal offenders.”
“We are looking through our legal service to get witnesses to file cases. You cannot say something that will disrupt police’s efforts,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.